Paglipad ng Filipino ‘knight’ mapapaaga

Mister International Philippines 2022

Caballero Universal Filipinas Andre Cue/MISTER INTERNATIONAL PHILIPPINES PHOTO

NAUNA nang itinalaga si Mister International Philippines fourth runner-up Andre Cue bilang kinatawan ng Pilipinas para sa Mister Teen International pageant na idaraos sa Laos sa susunod na taon.

Ngunit mapapaaga ang paglipad niya upang lumaban sa isa pang patimpalak.

Hinayag ng Mister International Philippines organization ang paggawad kay Cue ng titulo bilang Caballero Universal Filipinas, at naatasang katawanin ang Pilipinas sa pangalawang edisyon ng isang patimpalak sa Venezuela bago magtapos ang kasalukuyang taon.

“The selection of Andre Cue is primarily due to the upcoming schedule of the Caballero Universal competition in Caracas, Venezuela, this November,” sinabi ni Mister International Philippines Spokesperson Norman Tinio sa Inquirer sa isang online interview.

“Universal Knight” sa Ingles ang titulo ng patimpalak, na isinasagawa sa wikang Kastila, katulad ng mga pambabaeng pageant na Reina Hispanoamericana, Miss Continentes Unidos, at Reina Internacional del Cacao na lahat nasa South America.

Ayon pa kay Tinio, sa Hunyo 2023 pa nakatakda ang una sanang sasalihang patimpalak ni Cue, gayong sunod-sunod ang paligsahang lalahukan ng iba pang kasama niya sa Top 5 ng Mister International Philippines.

May kani-kaniya nang international pageant ang lahat ng nasa Top 5 ng 2022 Mister International Philippines na sina (mula kaliwa) Andre Cue, Michael Ver Comaling, Myron Jude Ordillano, Mark Avendaño, at Kitt Cortez./ARMIN P. ADINA

Sasali sa Mister International pageant sa Pilipinas sa Oktubre and pangunahing tituladong si Myron Jude Ordillano. Sasabak naman sa Mister Global sa Thailand sa Disyembre si first runner-up Mark Avendaño, habang sa Mister National Universe sa Thailand sa susunod na taon lalahok si second runner-up Michael Ver Comaling.

Itinalaga na rin si third runner-up Kitt Cortez bilang kinatawan ng Pilipinas sa Mister Tourism International sa Indonesia sa Nobyembre.

Ibinahagi ng abogadong si Manuel Deldio, pinuno ng Mister International Philippines organization, na kung sakaling masusungkit ni Cue ang titulong Caballero Universal sa Venezuela, hindi na siya ipapadala sa Mister Teen International pageant sa Laos sa Hulyo 23.

Sinabi ni Tinio na napili si Cue, isang 18-taong-gulang na gradweyt ng Senior High School mula sa Xavier University-Ateneo de Cagayan, para sa patimpalak sa Venezuela sapagkat “he possesses the qualifications and attributes required by Caballero Universal—good-looking face, body type, and youthfulness, among others.”

Read more...