PORMAL nang inihayag ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) ang pag-upo ng bago nitong pangulong si Eugene Asis, entertainment editor ng People’s Journal.
Siya ang pumalit sa pwesto ng dating pangulo ng SPEEd na si Ian Farinas, entertainment editor ng People’s Tonight na dalawang taon ding nagsilbi bilang presidente ng grupo.
Nagsimula ang SPEEd bilang isang social club ng mga entertainment editor mula sa iba’t ibang national broadsheet at ng mga nangungunang tabloid sa Pilipinas.
Naging opisyal ang pagkakabuo ng grupo dahil na rin sa kagustuhan at pagpupursige ni Asis at ng president emeritus ng grupo, ang yumaong entertainment editor ng Manila Standard na si Isah Red, na makatulong sa industriya ng pelikula.
Nito ngang nakaraang linggo, ipinasa na ng immediate past president ng SPEEd na si Farinas ang kanyang posisyon kay Asis upang ipagpatuloy ang mga nasimulang adhikain at mga makabuluhang proyekto ng organisasyon.
Kabilang na nga rito ang pagtulong at pagsuporta sa movie industry pati na rin sa lahat ng mga indibidwal at grupo na walang sawang nagtataguyod sa kapakanan ng mga taga-industriya.
Nagsimula ang karera ng bagong pangulo ng SPEEd sa pamamahayag noong dekada ‘80 bilang writer sa Kislap, Liwayway, Jingle Extra Hot at Orig Magazine kung saan una siyang naging editor taong 1982.
Mula 1990 hanggang sa kasalukuyan ay nagsisilbi siyang editor ng entertainment section ng People’s Journal.
Bukod sa pagsusulat, nagdirek din si Asis ng ilang pelikula at naging host din noon ng mga showbiz oriented TV shows tulad ng “Channel S” at “Movie Magazine” na umere noon sa GMA Network.
Isa sa mga nasa top priority ngayon ng bagong SPEEd president ay ang 5th edition ng The Eddys o The Entertainment Editors’ Choice movie awards na nakatakdang maganap sa darating na Nobyembre.
Samantala, ang iba pang opisyal ng SPEEd ay ang mga sumusunod: Tessa Mauricio-Arriola (The Manila Times), Vice President External; Salve Asis (Pilipino Star Ngayon at Pang-Masa), Vice President-Internal; Maricris Nicasio (Hataw), Secretary; Gie Trillana (Malaya Business Insight), Asst. Secretary; Dondon Sermino (Abante), Treasurer; Dinah Ventura (Daily Tribune), Asst. Treasurer; Nickie Wang (The Manila Standard) at Ervin Santiago (Bandera) PRO; at Nestor Cuartero (Tempo), director at advisor. Magsisilbi pa ring director ng grupo si Ian Farinas.
Ang iba pang miyembro ng grupo ay sina Rito Asilo (Inquirer), Jerry Olea (Philippine Entertainment Portal), Rohn Romulo (People’s Balita), at Neil Ramos (Tempo).
https://bandera.inquirer.net/279550/4th-eddys-mapapanood-sa-fdcp-channel-angel-locsin-kim-chiu-rhea-tan-pararangalan
https://bandera.inquirer.net/281424/fan-girl-big-winner-sa-4th-eddys-paulo-charlie-waging-best-actor-at-best-actress
https://bandera.inquirer.net/283459/ricky-lo-pumanaw-na-sa-edad-75-showbiz-industry-nagluluksa