PERSONAL na nagtungo ang Teleserye King na si Coco Martin sa puntod ng yumaong Queen of Philippine Movies na si Susan Roces.
Isang linggo matapos mapanood ang pambansang pagtatapos ng, “Ang Probinsyano”, dinalaw ni Coco ang libingan ni late Action King Fernando Poe Jr. at ng asawa nitong si Susan Roces.
Sa isang Instagram post, makikita ang pagsisindi ng kandila at pagdarasal ng Kapamilya actor-director sa puntod ng tinaguriang hari’t reyna ng pelikulang Filipino.
Dito pinasalamatan ni Coco ang yumaong celebrity couple sa kanilang legacy at mga naging kontribusyon sa showbiz industry.
“Maraming maraming salamat po FPJ at Lola Susan! Mahal na mahal ko po kayo!” ang isinulat na caption ni Coco sa nasabing post.
Nakasama ng premyadong actor si Susan Roces ng mahigit anim na taon sa “FPJ’s Ang Probinsyano” kung saan gumanap ito bilang si Lola Flora. Hindi na nakabalik ang movie icon sa finale ng serye dahil binawian na nga ito ng buhay.
Nakatakda na sanang magkita muli ang kanyang karakter at apo niyang si Cardo Dalisay (Coco) sa nasabing teleserye pero hindi na nga ito nangyari. Isang madamdaming tribute naman ang ibinigay sa kanya ng buong produksyon.
Hindi rin nakalimutan ni Coco na pasalamatan at bigyang-pugay ang kanyang idolo at unang gumanap na Cardo Dalisay sa movie version ng “Ang Probinsyano” na si FPJ na ipinalabas noong 1996. Kasabay din nito ang pagbati ni Coco sa kaarawan ng nag-iisang Action King.
“Maligayang Kaawaran sa taong nag bigay ng pag-asa sa mga taong nangangailangan. Ikaw ang aming idolo sa kabutihan at pag tulong sa aming kapwa! Mananatili po namin kayong inspirasyon. Ang nagiisang Hari sa aming mga puso Da King, Fernando Poe Jr.,” mensahe ng aktor.
Nauna rito, bago magtapos ang “FPJ’s Ang Probinsyano” nagbigay din ng mensahe ang anak nina FPJ at Susan na si Sen. Grace Poe sa lahat ng sumubaybay sa serye sa loob ng pitong taon.
Sa isang video sa Instagram na ipinost ng Dreamscape Entertainment, nagpasalamat ang senadpra sa mga nagmahal at sumuporta sa programa ng kanyang ina at ni Coco.
“Sa lahat po ng nagmahal sa legasiya ng aking mga magulang na sina FPJ at Susan Roces, tanggapin niyo po ang aking taos-pusong pasasalamat sa inyong pagtangkilik sa FPJ’s Ang Probinsyano sa loob ng pitong taon,” mensahe ng senadora.
Pagpapatuloy pa niya, “Nais ko rin pong magpasalamat sa buong cast at crew at sa Kapamilya network na pinangungunahan ni Cardo na si Coco Martin.
“Sa inyong paggawa ng isang dekalidad na programa na nagbigay ng pag-asa, inspirasyon, at kaligayahan sa ating mga kababayan.
“Alam ko na si Coco ay hindi lamang gumanap kung hindi siya rin ay nagsulat at nagdirek ng teleseryeng ito,” pahayag pa ng anak nina FPJ at Susan.
https://bandera.inquirer.net/314355/susan-roces-kay-grace-poe-im-already-80-years-old-im-ready-this-time-i-would-think-of-me
https://bandera.inquirer.net/314195/puntod-ni-susan-roces-sa-manila-north-cemetery-tinapos-ng-3-araw-kabaong-itatabi-kay-fpj
https://bandera.inquirer.net/314062/payo-ni-susan-kay-coco-hindi-importante-ang-pagingles-ang-mahalaga-ay-marunong-kang-humarap-sa-tao-na-may-dignidad