MAY plano pala ang internet sensation at content creator na si Chino Liu o mas kilala bilang Krissy Achino na itigil muna ang panggagaya sa kanyang idol na si Kris Aquino.
Iyan ang inamin niya nang makausap namin kamakailan sa face-to-face mediacon ng reality-horror-suspense movie na “KUTA” kung saan isa siya sa mga lead stars.
Chika ni Tita Krissy, baka raw pansamantala muna niyang ihihinto ang pag-impersonate sa Queen of All Media ngayong patuloy pa rin itong nakikipaglaban sa kanyang mga karamdaman.
Aminado rin siya na marami talagang nagtatanong sa kanya tungkol dito bilang respeto na lang daw sa pinagdaraanang health condition ng TV host-actress.
“Actually I have plans of (retiring it) yeah, kumbaga. Ngayon kasi ‘yung ginagawa ko is as long as hindi ko siya nadi-disrespect, as long as wala naman akong sinasabing anything personal na ikakagalit niya, tuloy-tuloy pa rin akong mag-i-impersonate,” pahayag ni Krissy.
In fairness naman kasi talaga, biglang sikat ang social media influencer nang gayahin niya si Kris sa kanyang mga vlogs na naging daan din ng pagkakaroon niya ng maraming TV projects.
“Pero I know as time goes by, kailangan ko na ring kumawala. I’ll cut the ‘Achino.’ Krissy or Tita Krissy na lang, if ever mag-rebrand ako. Pa-girl pa rin!” mariing sabi ng vlogger.
Nabanggit ni Krissy na nakausap din niya noon ang mommy nina Joshua at Bimby at sinabihan nga raw siya nito na kapag nagkaroon siya ng chance, mag-try siya ng iba pang characters na magagaya niya.
“Siya na mismo nagsabi na ano, ‘Try mong iba, try mong kumawala sa Krissy. Create different characters,’” chika ng YouTuber na siya ngang ginagawa niya ngayon.
Natanong din namin siya kung nakakapag-usap pa rin sila ni Kris na kasalukuyan pa ring nasa ibang bansa para sa kanyang series of medical procedure.
Aniya, nakapagchikahan sila sa pamamagitan ng palitan ng mensahe sa WhatsApp two months ago, bago pansamantalang mamahinga ang TV host sa kanyang social media accounts.
“Huling message namin, tinanong ko ‘yung condition niya, she was 38.5 kilos, medyo nag-deteriorate ‘yung health niya.
“I’m praying for her health. Hindi biro ‘yung condition. Sana ano man ‘yung ginagawa niya sa ibang bansa, sana makatulong sa health niya. And prayers ko sana makabalik siya. Kasi pag nakabalik siya, nakabalik din ako,” ang mensahe pa ni Krissy sa kanyang idolo.
Samantala, feeling blessed and thankful naman si Krissy dahil bibida na nga siya sa pelikulang “KUTA” kung saan napasabak siya sa matinding suspense at takutan.
Makakasama niya rito sina Nico Locco, Yakki, Pearl Gonzales, Bong dela Torre, Renerich Ocon, Jelai Andres at Buboy Villar na pawang mga social media influencers din. Ito’y sa direkyon ni Omar Deroca.
Kinunan ang pelikula sa Mount Banahaw sa Quezon kung saan nga umikot ang kuwento ng mga socmed influencers na sumali sa isang reality show para sa premyong P500,000.
Ang twist, kailangang makagawa sila ng vlog tungkol sa mga nagaganap na kababalaghan at misteryo sa Mount Banahaw pero ang hindi nila alam, nasa panganib na pala ang kanilang buhay.
Mapapanood na sa KTX.ph ang “KUTA” ngayong Agosto mula sa ECL Multimedia Production kasama ang mga producers na sina Elaine Lozano, Martin Vizconde, King Paras at Rudy Ngo.
https://bandera.inquirer.net/310118/cristy-fermin-hiniling-na-huwag-silang-pag-awayin-ni-lolit-solis-hindi-kami-mga-manok-panabong
https://bandera.inquirer.net/288713/angel-handa-nang-magka-baby-hindi-naman-basketball-team-mga-isa-o-dalawa-pwede-na
https://bandera.inquirer.net/306788/catriona-nakiusap-sa-mga-pageant-fans-na-itigil-na-ang-pambu-bully-sa-mga-kandidata