MAKAULIT KAYA ANG ALASKA SA SAN MIG?

Laro Ngayon
(MOA Arena)
7:30 p.m. Alaska Milk vs San Mig Coffee

HANGAD ng estudyante na ipagpatuloy ang panghihiya sa maestro sa  sudden-death match ng Alaska Milk at San Mig Coffee para sa karapatang umusad sa semifinals ng 2013 PBA Governors’ Cup mamayang alas-7:15 ng gabi sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Inihatid ni Luigi Trillo ang Alaska Milk sa 112-105 panalo kontra San Mig Coffee noong Miyerkules upang mapuwersa ang rubber match.

Tinapos ng Aces ang elimination round sa kartang 4-5 at ikapitong puwesto upang makaharap ang No. 2 seed na San Mig Coffee na nagwakas na may 6-5 kartada. Bunga ng pagiging No. 2 seed ay nakamtan ng Mixers ang twice-to-beat na bentahe sa quarterfinals.

Subalit nabigo sina coach Tim Cone at ang kanyang Mixers na tapusin ang Alaska Milk nitong Miyerkules.

Ang Mixers ay nagposte ng 12 puntos na abante, 93-81, sa umpisa ng fourth quarter subalit biglang tumukod sa matinding rally ng Aces na pinamunuan nina Cyrus Baguio, JVee Casio at ang import na si Wendell McKines Jr.

Si Casio ang nagsilbing pinakamalaking tinik sa lalamunan ng Mixers nang siya ay nagtala ng 21 puntos, anim na assists at tatlong steals sa laro.

Bukod sa tatlong ito ay patuloy na aasa si Trillo kina Sonny Thoss, Dondon Hontiveros, RJ Jazul at Calvin Abueva na siyang nangunguna sa labanan para sa Rookie of the Year at Most Valuable Player award.

Magugunitang sa nakaraang Commissioner’s Cup ay winalis ng Aces ang Mixers, 3-0, sa semis upang makarating sa Finals at mapanalunan ang kampeonato. Si Trillo ay nasa ikaapat na conference bilang coach ng Aces.

Umaasa si Cone na mabubura na niya ang bangungot na dulot ni Trillo.

Ang Mixers ay pinamumunuan ng import na si Marqus Blakely na sinusuportahan nina two-time MVP na si James Yap, Gilas Pilipinas member Marc Pingris, Joe DeVance, Mark Barroca at Rafi Reavis.

Kagabi sa Mall of Asia Arena, umusad ang Rain or Shine Elasto Painters sa semifinals matapos maungusan ang Global Port Batang Pier, 108-106.

Read more...