MAGANDANG araw po!
Isa po ako na sumusubaybay sa kolum na Aksyon Line. Maganda po ang kolum na ito sapagkat marami po akong natutunan lalo na po sa mga benepisyo naming manggagawa. Mayroon po lamang akong katanungan sa PHILHEALTH. Napag-alaman ko po kailan lang sa in-charge sa office namin sa pagproseso sa Philhealth na hindi nag-appear sa MDR ko ang aking mga beneficiaries. Ayon sa kanya, ang sabi raw sa Philhealth ay naka-declare na raw sa asawa ko ang mga anak ko. Napag-alaman ko rin na kailangan pa pala ng waiver para ma-itransfer sila bilang aking beneficiary sa Philhealth dahil sa kasalukuyan kasi ay hindi empleyado ang mister ko. Tanong ko po, bakit kailangang isa lamang sa mag-asawa kung parehas silang naghuhulog sa Philhealth ang pwedeng mag-declare sa kanilang mga anak bilang beneficiary? Katulad po nito, hindi na po aktibo ang asawa ko sa Philhealth dahil nahinto siya sa pagtatrabaho? Ibig po bang sabihin nito ay hindi ko pwedeng gamitin ang Philhealth ko sa mga anak ko dahil hindi sila nakaappear sa MDR ko? Bakit po kailangan pang i-transfer ang mga anak sa declaration ng beneficiary? Hindi po ba bias sa mga anak ng mga mag-asawa na parehas na naghuhulog dahil sa isa lang ang pwedeng mag-declare? Paano po kung katulad ng sitwasyon namin? Hindi po ba malaking abala sa parte namin para lang magbigay ng waiver at kung anu-ano pa ang hinahanap para lang maitransfer ang mga anak as beneficiary? Tutal naman po, isa lang din naman ang pwedeng gumamit para sa kanila, hindi po ba? So bakit kailangan pa ng transfer? Para sa akin po, dapat ang mga anak ay maaaring i-declare ng both parties and either of them can use their Philhealth, not both but either. Pakipaliwanag lang po.
Salamat.
Emily
REPLY: Pagbati po mula sa Team PhilHealth!
Una po sa lahat, maraming salamat po sa pagpaparating sa amin ng katanungang ito.
Bilang tugon po sa katanungan ni Bb. Emily, nais po naming linawin na sa polisiya ng PhilHealth. Isa lamang sa mag-asawa ang maaaring mag-declare sa kanilang anak sa mga pagkakataon na ang mag-asawa ay parehong miyembro ng PhilHealth. Bagama’t ating ipinapayo na kung ang mag-asawa ay parehong miyembro at ang mga anak na idedeklara ay higit sa isa, maaaring paghatian ang mga ito sa declaration sapagkat ang nakatakdang 45 araw na allowance para sa isang taon ay pinaghahatian lamang ng mga dependents.
Ang nakatakdang 45 araw na allowance sa isang taon ang siya pong dahilan kung kaya’t isa lamang sa miyembro ang dapat na magdeklara sa mga anak at dito ibinase ang disenyo ng system ng PhilHealth. Ang system din po ang siyang automatikong magtatakda kung ang benepisyo ng isang dependent ay naubos na o hindi pa ayon sa membership ng principal member.
Kung kaya’t sa mga pagkakataon na ang isa sa mag-asawa ay desidido nang hindi ipagpatuloy ang membership nito, ang mga nak-deklarang dependent nito, gayun na rin siya, ay maaaring ilipat sa asawa nito na aktibong miyembro ngunit kailangan natin na i-deactivate ang kanyang membership. Simpleng sulat o request lamang po ang ating kinakailangan na pirmado ng miyembro bilang ating katunayan na may pahintulot mula sa kanya na ilipat ang mga dependents nito sa kanyang asawa.
Bagama’t pagdating sa benefit availment, hindi po magiging hadlang na hindi nakadeklara sa MDR ang pangalan ng anak upang hindi makagamit ng benepisyo ang dependent. Simpleng proseso lamang din po ang ating kailangan, ang birth certificate ng anak (o pasyente) ay ilalakip lamang sa claim documents (na isusumite ng ospital) kasama ang nabanggit na consent o sulat mula sa asawang miyembro na nagbibigay pahintulot upang ilipat ang dependency ng anak.
At sa pangmalawakang aspeto, ang database ang siya nating batayan upang malaman kung ilan na sa buong populasyon ang miyembro ng programa at gayundin ang bilang ng mga dependent na nai-deklara. Isa rin po ito sa dahilan kung bakit ang multiple declaration ay hindi natin pinapayagan para sa mas akmang bilang ng membership ng ating database.
Makakaasa po kayo na ang PhilHealth po ay patuloy na gumagawa ng mga pamamaraan kung paano mas mapapadali sa ating mga miyembro ang paggamit ng benepisyo.
Maraming salamat po.
CORPORATE ACTION CENTER
Website: www.philhealth.gov.ph
Twitter: @teamphilhealth
Facebook: www.facebook.com/PhilHealth
Call Center: 441-7442
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapag-
lingkuran sa abot ng aming makakaya.
Kaya naman huwag kayong mag-atubiling sumulat sa Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola St. cor. Pasong Tirad st., Makati City. Maaari rin kayong mag-email sa jenniferbilog@yahoo.com.ph. Serbisyo publiko sa AKSYON LINE. Kakampi mo! Maaasahan!