Badjao Girl Rita Gaviola napaluha sa ‘Bawal Judgmental’ dahil sa bashers; tinawag na ‘bobo’, ‘malandi’, ‘sayang’

Rita Gaviola at Baby Kiana

“BOBO”, “inuna pa ang kalandian,” “sinayang mo lang ang career mo.”

Ilan lang yan sa masasakit na salitang ibinabato kay Rita Gaviola na unang nakilala bilang si Badjao Girl mula nang umamin sa publiko na isa na siyang ina.

Sa muling pagharap ng dating online sensation sa publiko sa pamamagitan ng “Bawal Judgmental” segment ng “Eat Bulaga” halos mapaluha siya habang nagkukuwento tungkol sa mga bashers.

Naglabas ng kanyang saloobin ang dating “Pinoy Big Brother” housemate hinggil sa natatanggap niyang panlalait at pambabastos sa social media.

Inamin ni Rita noong August 8 sa pamamagitan ng kanyang Instagram account na isa na nga siyang ina sa edad na 19. Kasunod nito ang pangnenega sa kanya ng ilang netizens na akala mo’y nakagawa siya ng krimen.


Kaya sa episode ng “Eat Bulaga” nitong nagdaang August 12, natanong si Rita bilang isa sa mga choices sa “Bawal Judgmental” tungkol sa pinagdaraanan niya matapos ilantad ang kanyang anak.

Si Maja Salvador ang nagtanong kung paano niya hina-handle ang pambabagsak at panghaharas sa kanya ng mga bashers.

“Marami silang sinasabi about ‘bobo,’ ganyan, ‘sinayang mo ‘yung career mo’, ‘inuna mo pa ‘yung kalandian mo kaya nagkaanak ka agad.’

“Siyempre para sa part ko sobrang sakit kasi hindi nila alam ‘yung dinaranas ko. Parang ang dali sa kanila manghusga ng tao na hindi nila kilala,” emosyonal na pahayag ni Rita.

Dagdag pa niya, “Masakit kasi dumarating ‘yung time na maisisip mo na sana ‘wag maranasan ng anak ko ‘yung nararanasan ko ngayon kasi sobrang hirap.”

Kasabay nito, nanawagan at nakiusap ang future mommy na sana’y huwag nang idamay ang baby niya sa pang-aalipusta sa kanyang pagkatao dahil wala naman itong kasalanan.

“Sabi ko, ako na lang, wag na lang ‘yung anak ko. Kahit i-bash n’yo na ako nang i-bash, okay lang, tatanggapin ko. ‘Yung baby ko, ‘wag na lang kasi ‘yung baby ko walang kasalanan,” pakiusap pa niya sa mga haters.

Nagpaabot din siya ng mensahe ng papasalamat sa kanyang pamilya, mga kaibigan at social media followers na nakakaintindi sa sitwasyon niya at nangakong patuloy pa rin siyang susuportahan kahit magiging mommy na siya.

“Sila po yung dahilan kung bakit ako lumaban at lalung-lalo na yung baby ko,” sabi ni Rita.

Pinayuhan naman siya ng mga Dabarkads na sina Maja, Maine Mendoza, Allan K at Ryan Agoncillo na huwag nang pansinin ang mga naninira sa kanya at intindihin na lamang ang kanyang anak.

Matatandaang nag-viral noon ang litrato ni Rita na namamalimos sa kalye hanggang sa makilala na siya bilang si Badjao Girl. Kasunod nito, taong 2016 nang mapasama siya sa “Pinoy Big Brother 7 Teen Edition” ngunit hindi pinalad na manalo.

https://bandera.inquirer.net/293639/badjao-girl-planong-sumali-sa-miss-universe-payo-ng-netizens-mag-train-ka-na-galingan-mo

https://bandera.inquirer.net/321045/badjao-girl-rita-gaviola-umaming-nanay-na-proud-ako-dahil-hindi-ko-pinalaglag-ang-baby-dahil-lang-sa-kasikatan

https://bandera.inquirer.net/307456/melai-tinawag-na-bobo-dahil-kay-leni-robredo-nakipagtalakan-sa-tagasuporta-ni-bongbong-marcos

Read more...