Mandirigmang Tausug | Bandera

Mandirigmang Tausug

Arlyn Dela Cruz - September 27, 2013 - 03:00 AM

ANG Tausug ang isa sa pinakamatatapang na grupo ng mga ethnikong Filipino na nakasalamuha ko, masasabi ko rin sila ang may pinakamaalab ang puso alang-alang sa kapayapaan. Kilala nila ang karahasan sa kung paaanong kilala nila ang kapayapaan. Kilala nila ang kaguluhan sa kung paanong kilala nila ang katahimikan

Hindi maniniwala ang marami at maaaring sabihing propaganda ang mga balitang ang tulad ng isang Haber Malik ay handa nang magsagawa ng tinatawag na Shaheed, isang mataas na uri ng pagtingin nila ng kamatayan alang-alang sa kanilang pinaniniwalaan. Last stand ang sabi, hanggang kamatayan, ang sabi.

Mahirap paniwalaan na may gagawa ng ganito, ngunit sa isang mandirigmang Tausug, hindi na pinaguusapan pa kung nasa tama o nasa mali siyang panig, ito ay isang katotohanan. Iyon ang hindi nakita sa katotohanan nito kaya’t tumagal ang krisis sa Zamboanga City. Hindi pinaniwalaan na iyon ay pagkilos na handa sa kamatayan. Maaaring hindi sa panig ng mga pinangakuan umano ng armas at P10,000 kada isa, ngunit hindi para sa mga namuno, hindi sa tulad ni Haber Malik.

Hindi ko alam kung paaano sila nakumbinsi ni Misuari na sumuong sa labanang tiyak ang kanilang kamatayan habang si Misuari, ayun, nasa ligtas at malayong lugar, malayo sa labanan, malayo sa anino ng kamatayan.

Ang alam ko, marami sa mga Tausug na may armas, kasapi man siya ng Moro National Liberation Front o ng iba pang grupong nasa mga lalawigang may mga komunidad ng Tausug, may mga kuwento sa nakaraan na paulit-ulit na isinasaysay, ipinapasa, hindi pinapayagang malimutan.

Nakita ko noon ito sa cellphone ng mga kalalakihang dumukot sa akin, mga kasapi sila ng MNLF Renegade Forces na tapat kay Misuari. Nakalagay doon, “Remember Pata Massacre.” Kuwento ito ng isang marahas na yugto noong 1980s na ang karamihan sa mga biktima ay mga mamamayang Tausug sa islang ang pangalan ay Pata.

Ito ang kuwentong nakagisnan ng mga kabataan noon, mga kuwentong naiwan sa isipan at puso ng marami sa mga nahikayat ni Misuari na sumamang muli sa kanya sa pinaniniwalaan niyang pagpapatuloy ng kanyang labang sinimulan noong dekada 70 pa.

Ang mga awiting itinuro sa mga kabataan noong dekada 70 ang siya ring awiting naipasa sa mga kabataan ng mga sumunod na dekada. Noong ako ay bihag, ang isang matandang armado na kasapi ng grupo na sa tantiya ko ay nasa edad 60, ay umawit ng isang awiting alam din ng isang kasama nilang armado na edad 17 lang noong 2002. Ang sabi sa kanta, “Kamu kabataan, ayaw mapapatuhan, Misan mabinsana, inginhawa baran. Hangad sin Maksud, Subay baugbugan. Dumawhat Kamahardikaan.”

Yan ay linya ayon sa pagkakatanda ko, sa tatlong buwan na pagkakabihag sa akin sa Sulu. Sa buod, ang ibig sabihin lamang nito, hindi sila titigil hanggat hindi nila nakakamtan ang minimithi nilang kasarinlan sa kanilang sariling lupa.

Know thy enemy-that is the first step in conquering them. The Zamboanga crisis extended this far because there is very little appreciation of the mindset of the group of fighters the government troops are engaging on the other side.
It would have been easier to justify the lack of full appreciation and knowledge of the hearts and minds of what is labelled as enemies of government if this problem just surfaced over the past few years. But this problem exists more than four decades now.
Dapat alam na, kilala na. Yan ay kung tunay na nais na makamit ang tunay at busilak na yugto ng kapayapaan sa Muslim Mindanao.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending