MAKALIPAS ang 18 beses na pagkuha ng board exam para maging ganap na guro, nakapasa na rin sa wakas ang isang napakasipag at mapagmahal na nanay.
Hindi talaga naging madali para kay Mary Grace Millama Zulueta ang pag-abot sa kanyang pangarap na maging teacher dahil sa mga kinaharap na pagsubok.
Sa pamamagitan ng Facebook post ng kapwa guro at kaklase sa isang review center na si Diane Asanza David, nalaman ng publiko ang inspiring na kuwento ni Mary Grace.
Bumilib daw kasi si Diane sa pagpupursige at pagsisipag ni Mary Grace, na mas may edad sa kanya. Si Grace ay Top 2 (sa rating na 92.60%) listahan ng mga nakapasa sa January 2022 Licensure Exam for Teachers.
Sabi ni Diane sa FB post niya tungkol sa pagpasa ni Mary Grace, “Labingwalong pagsubok at paulit-ulit na pag-abot ng pangarap, ngayong taon ay ibinigay na ni Lord ang bunga ng iyong sakripisyo.”
Pagpapatuloy pa niya, “Nag-aalaga ka ng mga anak, nagtuturo ng mga bata, pagkatapos ng trabaho, diretso sa pag-aaral for board exam.
“Madalas ikaw na nga ang huling lumalabas ng school, pero nag-i-stay ka hanggang alas singko para matapos ang reviews sa Zoom,” dagdag pa niyang kuwento.
Inalala rin ni Diane ang araw nang yayain niya si Mary Grace na mag-enroll sa review center, “Noong una, nag-aalinlangan ka pa. Pero tumatak sa akin ang sinabi mo na, ‘Nag-debut na ako sa board exam. Eighteen times na kong nag-take. ‘Mag-enroll na tayo bukas,'” sabi pa ng guro.
Tandang-tanda rin niya ang sinabi ni Mary Grace na, “Itong susunod ko (na pag-board exam), huli ko na.’”
Napakarami rin daw silang hinarap na pagsubok ni Mary Grace habang nagre-review, “Kulang ang pamasahe, pagod sa pagtuturo, absent sa school.” Dumagdag din daw sa stress nila ang pandemya.
At nang lumabas na ang resulta ng January 2022 LET, sinabi raw ni Mary Grace kay Diane at sa iba pa nilang nakasama sa review center, “Ako muna ang magko-congratulate sa inyo.”
Sagot naman sa kanya ng mga kapwa guro, “Huwag kang mag-alala, ‘Ma, after ng June, ikaw naman ang babatiin namin.'”
Naalala rin daw ni Diane ang sinabi ni Mary Grace pagkatapos mag-board exam last June, “Sabi niya, ‘Papasa na ako. First time kong hindi nakatulog habang nag-e-exam sa LET. First time kong mag-take ng exam na pagtingin ko sa tanong, alam ko na agad ang sagot.'”
“Proud na proud kami sa ‘yo!” ang mensahe pa ni Dianne kay Mary Grace.
Samantala, ni-repost naman ni Mary Grace last August 5 ang FB post ni Diane sa kanyang Facebook account at aniya sa caption, “Eighteen times na pagbagsak ngunit binigyan ng pag-asa.”
Pagpapatuloy pa niya, “Napakaraming pagsubok ang dumaan kaya hindi ko ito inasahan. Dumating ang napakaraming time na ayoko na talaga, suko na ako.”
Palagi raw niyang itinatanong sa sarili, “Napakahina ko ba talaga? Bakit ganu’n, ang hirap ipasa? Ang dali lang naman ng mga tanong, pero bakit hindi ko makuha ang tamang sagot?
“Nakakahiya at nakakapagod na ang paulit-ulit na aasa at babagsak ka.
“Ang malungkot at madismaya tuwing malalaman mo na ang lahat ng mga classmates, co-teachers, kapitbahay, estudyante, pamangkin, apo at anak mo mismo ay pumasa at licensed na. Pero ako, hindi pa rin…
“Napakaraming beses kong nag-try, hindi ko ikinahiya at nagpatuloy akong lumaban,” ang pahayag pa ni Mary Grace.
https://bandera.inquirer.net/288241/mama-mary-nagpakita-raw-sa-dating-aktres-na-si-nina-jose-matapos-maaksidente-sa-suob
https://bandera.inquirer.net/304633/xian-lim-inirereklamo-sa-basketball-noong-bata-dahil-super-tangkad
https://bandera.inquirer.net/314131/susan-roces-may-mga-paramdam-na-bago-pumanaw-grace-poe-may-pagsisisi-sa-pagkawala-ng-ina