KAYA pa namang iligtas ng gobyerno ang Mindanao kung makikinig lamang si Pangulong Aquino sa hindi mga pulpol. Dahil sa nakinig sa mga pulpol, iyan na nga ang nangyari. Kapag muling sumiklab ang ganyang katagal na bakbakan sa iba namang lungsod, lumpo na sa gastos ang militar at pulisya. Kung ayaw makinig ng gobyerno sa payo, pakinggan na lang nila ang pananaw nina Jess Dureza, Rody Duterte at Tingting Cojuangco.
Isang opisyal ng gobyerno ang nagtataka kung bakit hindi nauubusan ng bala ang MNLF. Iyan na nga ba ang sinasabi ko. Kapag ganyan ang tanong, talagang wala siyang alam sa Mindanao. Nakatiwangwang ang mga pahina ng kasaysayan. Basahin na lang niya iyan.
Marami na ang naisulat hinggil sa kung paano makipaglaban ang mga military sa mga kalye ng Santa Barbara at Santa Catalina. Nalalagas ang batang mga opisyal na nagtapos sa Philippine Military Academy. Ganyan talaga ang gera, ang kamatayan ay nakaumang sa bawat sandali. Pero, ang nakahihiya at nakagagalit ay bakit parating sablay ang tira ng helicopter gunships. Napakamahal ng mga bomba nito at ang pagpapalipad pa lang ay malaking gastos na. Nagsasanay ba ang mga gunner at piloto nito? Sinu-sino ang kanilang magagaling na instructors?
Hindi alam ni Secretary Teresita Deles ang lubos na pagkatao ni Habier Malik. Tunay na mandirigma iyan. Ang mandirigma ay kinakausap, hindi pinagagalitan at hinahamon.
Si Sen. Jinggoy Estrada na ang aking paboritong taga-pito (whistleblower). Kahanga-hanga siya pero bitin na bitin ang taumbayan. Hinintay ni Sandra Cam na bulatlatin ni Estrada ang Malacanang. Yan din ang hinintay ng arawang obrero, ng taumbayan, na dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin ay nawawala na ang budget para ibili ng dyaryo. Kapag sinabi kasi na magnanakaw ang mga senador at kongresista, lumang balita na iyan. At kapag sinabing magnanakaw si Gloria Arroyo, mas luma pa iyan sa pinaglumaan. Pero, may susunod na pagkakataon ka pa Sen. Jinggoy. At sa susunod, sana’y tunay na pasabog na.
MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Tama ang sabi ni idol Ramon Tulfo. Those who forget history are doomed to repeat it. Arcgitect Ryan Macapil, Iligan City.
Nilagang itlog at kanin para sa mga sundalo sa Zamboanga City? Aba’y malaking biyaya yan, Sa gera sa Central Mindanao noong 2000, wala talagang makain ang mga sundalo dahil ang inuna ng gobyerno ay mga segunda manong helicopter. Mahal ang helicopter at mga bomba. Mura lang ang sundalo at marami pang pamalit sa malalagas na mga sundalo. Kawawa talaga sila. …3561
Anong klase itong si Hataman? Lahat ng project ipinadaan sa DPWH. Wala pa ang project, kinuha na ng DPWH ang pera. May sulat na sa DPWH, cc sa kanya, wala pa ring aksyon. …2027
Dito sa Baguio City, drainage at basura lang, hindi pa kayang ayusin ng gobyerno. Walang awa ang mga opisyal dito sa mahihirap. …1711.