Jane nape-pressure sa paglipad ni Darna kapalit ng ‘Probinsyano’ ni Coco; nangakong bibigyan ng bonggang bahay ang pamilya

Jane de Leon

NAPAKATINDING pressure ang nararamdaman ngayon ni Jane de Leon bilang ang “Darna” nga ang papalit sa pitong taong pamamayagpag sa ere ng “Ang Probinsyano”.

Sa darating na Lunes, August 15, lilipad na nga sa ABS-CBN si Jane bilang bida sa “Mars Ravelo’s Darna” na siyang papalit sa magtatapos nang “FPJ’s Ang Pronbinsyano” ni Coco Martin.

“Nakaka-pressure naman po kasi kahit sino naman artista na nagkakaroon ng show, gusto pong mapalitan ‘yung slot. Hindi ko naman din po in-expect na ako po ‘yung papalit doon,” pahayag ni Jane sa grand mediacon ng “Mars Ravelo’s Darna” last Monday.

Aniya pa, “Hindi ko rin alam ‘yung reaction ngayon ni Coco. But I am so grateful naman and happy. Ibibigay po namin ang best namin. Hindi pa kami nakakapag-usap pero excited akong mag-usap ulit kami ni Coco.”

Sey ni Jane, hindi raw siya nawalan ng pag-asa kahit sinabihan na siya noon ng mga bossing ng Kapamilya Network na hindi na matutuloy ang “Darna” dahil hindi na nabigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN.

“Hindi po ako umiyak noon pero siyempre nanghinayang po ako. Hindi lang naman po sa pinaghirapan ko, but sa lahat ng pinaghirapan ng staff, ng director and ‘yung mga in-invest din po namin.

“Pero may tiwala po ako kay Lord and may tiwala po ako sa ABS. Katulad po nito, natuloy na ‘yung teleserye,” aniya pa.


Samantala, naging emosyonal naman ang dalaga nang matanong kung ano ang nararamdaman niya ngayong bidang-bida na siya sa “Darna”.

Aniya, talagang ibinigay na niya ang lahat-lahat para mabigyan ng justice ang napakalaking proyektong ipinagkatiwala sa kanya ng ABS-CBN.

“Ginagawa ko talaga ito because I love my craft and my passion talaga. Nagpapasalamat ako kay Lord, of course, na kahit paano, nasagot na po ‘yung pinaghirapan namin ng buong pamilya.

“Sana magtuloy-tuloy na po. I know ito pa lang po ‘yung simula ng kinabukasan ko,” ani Jane.

Samantala, balak daw ng dalaga na magpatayo ng bahay mula sa talent feeniya sa “Darna, “Kasi wala pa po kami talagang bahay. Kaya ngayon po, kumakayod talaga ako para sa family ko, especially kay Mama kasi wala na po si Papa. Dream ko po talaga ‘yun para sa aking family.”

Ngayong Lunes na, August 15, mapapanood ang “Mars Ravelo’s Darna” sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, TV5, at iWantTFC.

Makakasama rin ni Jane dito sina Iza Calzado, Janella Salvador, Zaijian Jaranilla, Joshua Garcia, Rio Locsin at marami pang iba.
https://bandera.inquirer.net/321157/jane-de-leon-umamin-sa-totoo-lang-po-hindi-ko-rin-alam-kung-bakit-ako-ang-napiling-darna

https://bandera.inquirer.net/315103/jane-de-leon-handang-handa-nang-makipagbakbakan-kay-janella-salvador-sa-darna-magtutuos-na-kami

https://bandera.inquirer.net/316577/darna-mural-alay-sa-mga-tunay-na-pinoy-superhero-jane-joshua-janella-saludo-sa-mga-bagong-bayani

Read more...