UMANI ng papuri si Jane de Leon sa pag-endorso at pagbibigay ng payo sa kanya ni Ms. Vilma Santos-Recto na apat na beses gumanap bilang Darna sa pelikula.
Base sa mga nabasa naming komento ay dapat lang bigyan ng chance si Jane as the new Darna dahil hindi naman siya mapipili ng ABS-CBN at ni Master Director Chito Roño kung hindi bilib at tiwala ang mga ito sa kanya.
May nabasa kaming idol nila for life ang Star for All Seasons at dahil inendorso nito si Jane na bagong Darna ng kanilang henerasyon ay susuportahan na rin nila ang aktres na handang-handa nang lumipad sa Lunes, Agosto 15.
Sa kabila ng mga ngiting nasaksihan namin kay Jane sa grand mediacon ng “Darna” ay halatang kabado siya dahil sa laki ng expectations sa kanya ng lahat kaya naman kapag nakakabasa siya ng mga komentong hindi siya bagay sa bago niyang karakter ay apektado siya.
Ito ang inamin niya sa panayam niya sa “Magandang Buhay”. Tanong ng host na si Regine Velasquez, “Ikaw na ang napiling Darna, siyempre sobrang exciting nu’n, di ba? Pero at the same time, meron ding mga alam mo na, ‘bakit yan? Bakit yan? Bakit siya ‘yung napili? Pwede namang si ganito.’ Paano mo hina-handle yung, tawagin na lang natin sila sa pangalang, bashers.”
Tugon ni Jane, “Una po talaga, alam ni mommy yan na, naaapektuhan po ako. Noong una kasi, biglang Darna, from Halik, from baguhang artista po. Hindi ko pa po alam kung paano ko po iha-handle, e. And siyempre naaapektuhan nga po ako, ganyan.
“Sabi ko, ‘bakit nila sinasabi ito?’ Pero after ilang years and months, na-realize ko rin po na may point naman din po sila. Bakit nga po ba ako yung napili. Sa totoo lang hindi ko nga rin po alam kung bakit ako po yung napili,” ani Jane.
Aminado rin siya na may point ang bashers sa sinabing wala siyang dating bilang Darna sa panayam sa kanya sa mediacon.
“Hindi ko rin po talaga alam kung bakit ako napili at kung saan ako galing. Basta ako po ibinigay ko ang best ko and nag-audition po ako at dumaan ako sa proseso at pinaghirapan ko po ‘yun,” pahayag ng dalaga.
Sa iconic costume naman na isusuot ni Jane as Darna ay pareho pa rin daw at may ilang babaguhin lang dahil gagawing modern na, pero hindi na nagbigay ng iba pang detalye ang aktres.
Ilang beses ding nagpraktis ng pagsigaw ng “Darna” si Jane, “Ako po talaga ang sumigaw ng Darna nagpapraktis po ako kasama ko kapatid ko (sa bahay nila).”
Anyway, kasama rin sa cast ng “Darna )” series sina Janella Salvador, Paolo Gumabao, Simon Ibarra, Jeffrey Santos, Eric Fructuoso, JV Kapunan, Richard Quan, Mark Manicad, Yogo, Singh, Marvin Yap, Zeppi Borromeo, Dawn Chang, LA Santos, Viveika Ravanes, Joj Agpangan, at Rio Locsin.
Handog ng JRB Creatives at mula sa direksyon nina Avel Sunpongco, Benedict Mique, at Chito Roño, nakatakda nang lumipad si Darna sa Lunes, Agosto 15 sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, TV5 at iWantTFC.
https://bandera.inquirer.net/320988/lumaki-po-ako-sa-hirap-yung-p100-pinagkakasya-po-namin-dati-ni-mama
https://bandera.inquirer.net/313927/jane-de-leon-biglang-naiyak-nang-isuot-ang-darna-costume-parang-doon-lang-nag-sink-in-sa-akin-na-this-is-it
https://bandera.inquirer.net/315103/jane-de-leon-handang-handa-nang-makipagbakbakan-kay-janella-salvador-sa-darna-magtutuos-na-kami