NASA bakuran kami ng ABS-CBN nitong Lunes ng gabi para sa grand mediacon ng “Darna” TV series ni Jane de Leon nang marinig namin ang usapan sa isang umpukan.
Nasa labas kami ng Dolphy Theater kung saan ginanap ang media launch ng “Mars Ravelo’s Darna” at narinig namin na pinagkukuwentuhan nila ang pagkamatay nina John Estrada at Lorna Tolentino sa “FPJ’s Ang Probinsyano.”
Anila, masyado raw “brutal” ang pagkakapatay kay John bilang si Armando na itinali ang magkabilang kamay sa dalawang sasakyan at hinilang palayo dahilan para maghiwalay ito sabay sagasa ni Coco Martin bilang si Cardo Dalisay sa harapan kaya duguan ang mukha nito na nakayuko.
Nagulat sila na napapayag si John sa ganu’ng eksena at maging si Lorna as Lily ay pumayag din na mamatay sa bayolenteng paraan.
Para sa amin ay galit na galit kasi si Cardo sa pagkamatay ng kanyang Lolo Delfin (Jaime Fabregas) na brutal ding pinatay ni Armando kaya gusto niyang ganu’n din ang sapitin ng kanyang kalaban. Ipinatikim ng Task Force Aguila ang pinakamatinding hagupit para tapusin ang karakter ni John Estrada.
At in fairness, trending si John at mas lalong na-curious ang lahat kaya’t binabalik-balikan ang eksena sa iWantTFC at YouTube channel ng ABS CBN Entertainment.
Tungkol naman sa eksenang tinapos na rin ang karakter ni Lorna ay sobrang galit din ang nasa dibdib ni Presidente Oscar Hidalgo na karakter ni Rowell Santiago dahil sa panlolokong ginawa nito sa kanya at sa bansa pero dahil sa posisyon niya ay hindi niya nagawang patayin ang ‘asawa’ kaya ang ending siya pa ang naging hostage.
Ang Task Force Aguilar rin ang tumapos kay Lily na sunud-sunod itong pinagbabaril ni Cardo kaya tumilapon sa fountain well.
Going back sa mga nag-uusap ay sobrang na-shookt lang daw sila sa eksenang iyon at humanga sila sa pitong taong serye ni Coco na siguradong wala nang makakatalo o makaaabot sa ginawa nitong record sa ABS-CBN na tuluy-tuloy pa rin ang arangkada kahit nawalan na ng prangkisa.
Baka naman kaya rin itong tapatan ng “Darna” series ni Jane?
* * *
Tuwang-tuwa ang mga viewers sa versatility na ipinakita ni Majestic Superstar Maja Salvador nang umere na ang pilot episode ng bagong sitcom niya sa TV5 na “Oh My Korona” noong Sabado, August 6.
Nag-trending kasi ang palabas sa Twitter kung saan napuno ang social media site ng mga papuri para sa first-ever sitcom ni Maja bilang si Lablab. Muli ring kinilig at nabuhay ang mga fans nang makita ang pagbabalik-tambalan nina Maja at RK Bagatsing na huling nagsama sa teleseryeng “Wildflower” noong 2017.
Nagkaroon rin ng exclusive watch party ang mga cast at crew para panoorin ang pilot episode ng nasabing palabas noong Sabado. Present sa watch party sina Maja, RK, Kakai Bautista, Pooh, Thou Reyes, Christine Samson, Jessie Salvador, Guel Espina, at direktor nito na si Ricky Victoria.
Base sa video na nakita ko online sa kanilang exclusive watch party, kitang-kita na tuwang-tuwa ang lahat sa kinalabasan ng mga eksena.
Hindi man present sa exclusive pilot viewing sina Tsong Joey Marquez at Jai Agpangan ay pinakita nila ang kanilang suporta sa social media. Lablab ang pangalan ng karakter ni Maja dito pero hindi din nagpahuli ang kanyang real life love love na si Rambo Nuñez Ortega na nag-post din ng kanyang suporta habang nasa isang event sa Palawan. Kabilang si Rambo sa mga executives-in-charge ng production.
Napapanood ang serye kada Sabado, 7:30 p.m., sa TV5 at Cignal Play.
https://bandera.inquirer.net/313982/erap-ate-vi-maricel-lorna-ai-ai-wasak-ang-puso-dahil-sa-pagpanaw-ni-susan-roces-maraming-salamat-we-will-miss-you
https://bandera.inquirer.net/292122/osang-humingi-na-ng-tawad-kay-lorna-niyakap-ko-siya-naiyak-talaga-ako
https://bandera.inquirer.net/315103/jane-de-leon-handang-handa-nang-makipagbakbakan-kay-janella-salvador-sa-darna-magtutuos-na-kami