SINAGOT ng controversial filmmaker na si Darryl Yap ang lahat ng nagsasabing tila binastos at binalewala niya ang lahat ng Martial Law victims sa pelikulang “Maid In Malacañang.”
Ipinagdiinan ni Direk Darryl na wala siyang intensyon na saktan ang mga naging human rights victims sa ilalim ng Marcos administration noong kasagsagan ng pagpapatupad ng Batas Militar.
Binabanatan ngayon ang direktor dahil sa pelikulang “Maid in Malacañang” na tumatalakay sa huling 72 oras ng pamilya Marcos sa Palasyo habang nagaganap ang 1986 EDSA People Power Revolution.
Sa panayam ni Boy Abunda kay Darryl Yap, sinabi nito na hindi binalewala ng “Maid in Malacañang” ang mga biktima ng karahasan noong Martial Law.
“Walang dapat ipag-alala ang mga nasaktan noong panahon na ‘yun, sapagkat hindi ko naman sinabing walang nasaktan noong panahon na ‘yun.
“Hindi ko sinabing walang naabuso, walang natapakan, o ‘di naman kaya ay walang kalabisan o pagkukulang ang mga Marcos,” paliwanag ni Darryl.
Patuloy pa niya, “Sa mga biktima ng Batas Militar, hindi ko po puwedeng sabihin na ang panunungkulan ng kahit sinong presidente ay perpekto, ang panunungkulan ng kahit sinong opisyal ng gobyerno ay walang butas.
“Ako po, naniniwala ako na may mga kalabisan during Martial Law. Pero hindi po ako naniniwalang lahat ‘yun ay utos na nanggagaling sa Malacañang,” dugtong pa niya.
Nanindigan din siya na meron pang mg kuwento na dapat malaman ng sambayanang Filipino noong mga panahong yun, “Dapat bigyan po natin ng espasyo, ng duda, gaya ng pagbibigay natin ng duda sa iba nating mga lider na, ‘Hindi naman ito ginusto ni President…’ nagkaroon ng hostage-taking, it’s beyond his control.
“Nagkaroon ng national calamity, it’s beyond her control. Alam niyo po ‘yun? Hindi ako naniniwalang dapat isisi sa iisang tao ang lahat,” katwiran pa niya.
Naniniwala rin ang direktor sa konsepto ng “command responsibility”, “Of course, kung sino ang nagtalaga sa taong gumawa ng mali, dapat meron din siyang pananagutan.”
Samantala, sa gitna ng panghuhusga at pangnenega sa “Maid In Malacañang”, patuloy naman itong tumatabo at pinipilihan sa takilya. Sa first day ng pagpapalabas nito sa mga sinehan, kumita na ang pelikula ng P21 million at mukhang hindi imposibleng umabot pa ito sa P100 million.
https://bandera.inquirer.net/320501/hirit-ni-vince-tanada-hindi-anti-marcos-o-pro-aquino-ang-katips-this-is-about-the-experience-of-ordinary-filipino
https://bandera.inquirer.net/317693/darryl-yap-boldyak-sa-netizens-dahil-sa-eksena-sa-maid-in-malacanang-gumamit-pa-talaga-ng-sulo-may-aswang-ba-diyan
https://bandera.inquirer.net/318492/darryl-yap-pinayuhan-si-ruffa-kung-dyan-siya-masaya-wag-natin-basagin-ang-trip-niya