PINABULAANAN ng isa sa mga Virgin Island vendor ang alegasyon na overpriced raw ang kanyang singil sa grupo ng mga turista na nagpaluto sa kanila ng pagkain.
Matatandaang nag-viral ang post ng isang netizen na nagngangalang si Vilma Uy tungkol sa diumano’y mahal na singil sa kanila nang bumili sila ng pagkain at mga inumin sa Virgin Island, isa sa mga dinarayong isla sa Bohol.
Dumipensa ang vendor na nagngangalang Fidel Clenista at sinabing tama lang ang naging singil nito dahil marami naman ang in-order ng mga turista.
“Marami ‘yung habang naliligo sila, kuha ng kuha o banana cue… kain ng kain,” saad nito sa isang panayam sa “Frontline Pilipinas”.
Bukod pa rito, nasa P7,000 na raw agad ang halaga ng mga isdang in-order nito samantalang umabot naman ng P5,000 ang scallops at oysters na pinaluto ng mga ito. May kamahalan rin daw ang mga sea urchins na binili nito dahil mahirap itong makuha.
Ayon naman kay Lorna Bosiano, 60 pamilya ang kasalukuyang apektado sa pagbabawal ng lokal na pamahalaan ng Bohol na magtinda sa Virgin Island Sandbar na siyang pinagkukunan ng panggastos at pangunahing kabuhayan nila.
Aminado rin ito na mayroon rin silang iba’t ibang presyo depende sa turistang namimili sa kanila.
Bisaya na presyo, mayroong tagalog na presyo, mayroong Chinese na presyo at foreigner at Korean na price,” pagbabahagi ni Lorna.
Giit naman ng isa sa mga turista na nagbayad ng P26,000 na si Joeper Calubio, may mga dagdag raw talaga sa mga pinamili nila at nagulat na lamang sila nang makita ang kabuuan ng kanilang babayaran nang paalis na sila sa isla.
Hindi lang siya overpricing, dinagdagan pa nila ‘yung quantity. By the time na nag-order kami, hindi nila inilista agad. So doon lang sila naglista nung paalis na kami sa island,” ani Joeper.
Matatandaang agad na pinaimbestigahan ng lokal na pamahalaan ng Bohol ang mga vendor sa Virgin Island matapos mag-viral ang “overpricing” post sa social media.
Dahil rito ay marami sa mga nagtitinda sa isla ang apektado dahil sa pagpapatigil ng gobyerno sa kanilang pagtitinda sa lugar.
Other Stories:
Turista sa Bohol naloka nang makita ang bill matapos kumain sa Virgin Island