ILANG araw na lang ay tuluyan nang magpapaalam sa ere ang “FPJ’s Ang Probinsyano” na pinagbibidahan ni Coco Martin.
Makalipas ang pitong taon, tatapusin na nga ang Kapamilya action series na talaga namang minahal, sinuportahan at naging bahago na rin ng pang-araw-araw na buhay ng mga Filipino.
At sa nalalapit na pagtatapos ng kuwento ni Cardo Dalisay sa “Ang Probinsyano,” nagpahatid ng kanilang pasasalamat ang dalawang cast members sa madlang pipol — sina Raymart Santiago at Shaina Magdayao.
Sa isang video na inilabas ng Dreamscape Entertainment, ang producer ng serye ni Coco, ipinagdiinan nilang isang karangalan ang mapabilang sa nasabing serye.
“Isang pribilehiyo na makasama rito at makasama sa hanay ng mga malaking artista sa industriya. Naging close na kami lahat rito, parang isang pamilya kami. Lahat ng eksena namin pinag-iisipan, kumbaga parang pilot episode ang mga eksena rito,” pahayag ni Raymart.
“Three years and a half na ako rito. May isang eksena na hindi ko makakalimutan. Iba-block ni direk Coco (Martin), ‘o dito ka direk Mike, ate Angel, ganito ang gagawin natin, parang flow ng istorya, o bahala na kayo gumawa ng sarili niyong lines.’
“Parang alam na namin ang character ng isa’t isa. Siguro doon nag-work yung ‘Ang Probinsyano’ dahil sa in-embrace namin ‘yung mga character namin dito at nakikita ‘yon ng mga televiewer,” dugtong ng aktor.
Mensahe naman ni Shaina, “To be part of the history sobrang laking honor nu’n. Lahat ng artista nagdarasal at nangangarap na mapabilang at makasama sa isang magandang proyekto na katulad ng ‘FPJ’s Ang Probinsyano.’
“Yung dalawang linggo na dapat guesting ko naging dalawang taon. Dumating siya sa buhay ko during one of the lowest seasons. It’s been an honor fighting alongside everyone para patuloy na mag-serve sa mga Pilipino,” sabi pa ng dalaga.
Ano nga ba ang masasabi nila sa lead star ng serye na si Coco? Sagot ni Raymart, “Ang gustong-gusto ni Coco lahat ng artista ay nandoon kasi doon siya nakakaisip ng script.
“Nandoon kami sa CIDG office, mag-uumpisa si Coco dito magbabato ng script, sasabihin mo ito, ito, ito. Gumawa ng 10 sequences sa 10 minuto. Nagpapasalamat din ako kay direk Coco at pina-experience niya sa akin ito,” sey pa ng aktor.
Pagsang-ayon naman ni Shaina, “Direktor siya, creative, location manager, talent coordinator, dito ko yata nakita si Co na nag-bloom as a storyteller. I am just really proud of him and happy ako na he is very generous sa God-given talent niya.”
Sa huling dalawang linggo ng “Ang Probinsyano”, asahan pa ang mas maraming pasabog sa kuwento kaya huwag nang bibitiw at alamin kung ano ang magiging ending ng buhay ni Cardo Dalisay.
Mapapanood ang finale episode ng “FPJ’s Ang Probinsyano” sa Agosto 12 na papalitan naman ng “Mars Ravelo’s Darna” sa Agosto 15.
https://bandera.inquirer.net/319735/vice-sa-laging-pagovertime-ng-showtime-nakakahiya-walang-kadisi-disiplina-ang-mga-kasamahan-ko
https://bandera.inquirer.net/295792/piolo-shaina-magdyowa-na-raw-sweet-na-sweet-sa-bohol-naka-double-date-sina-jodi-at-raymart
https://bandera.inquirer.net/306665/shaina-2-buwan-lang-sana-sa-ang-probinsyano-pero-hindi-na-tinanggal-ni-coco