MERALCO umusad sa SEMIFINALS

Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
5:15 p.m. Rain or Shine vs Global Port
7:30 p.m. Petron Blaze vs Barangay Ginebra

HALOS walang kahirap-hirap na binigo ng Meralco ang Barako Bull, 86-68, para maangkin ang unang semifinals berth ng PBA Governors Cup Miyerkules ng gabi sa Araneta Coliseum.

Sa second quarter pa lamang ay umpisa nang nilayuan ng Bolts ang  Energy at di na lumingon pa. Si Mario West ay umiskor ng 25 puntos habang si Reynel Hugnatan ay may 18 puntos para sa Meralco.

Ang Barako Bull naman ay pinangunahan ni Ronjay Buenafe na umiskor ng 23 puntos. Samantala, pinapaboran ang defending champion Rain or Shine at elimination round topnotcher Petron Blaze kontra magkahiwalay na karibal sa pagpapatuloy ng quarterfinal round mamaya sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Makakaharap ng Elasto Painters ang Global Port sa ganap na alas-5:15 ng hapon at makakabangga ang Boosters ang crowd-favorite Barangay Ginebra San Miguel sa alas-7:30 ng gabi na main game.

Kapwa may twice-to-beat advantage ang Elasto Painters at Boosters at kung mananalo sila mamaya ay didiretso na sila sa semifinals.

Kailangan namang magwagi ng dalawang beses ang Batang Pier at Gin Kings dahil sa mas mababang record sa elims.
Tinambakan ng Elasto Painters ang Batang Pier, 94-74, noong Agosto 17.

Magkaganito man ay ayaw ni coach Joseller “Yeng” Guiao na magkumpiyansa ang kanyang mga bata. Ang Rain or Shine ay pinamumunuan ni Arizona Reid, ang Best Import ng torneo dalawang seasons na ang nakalilipas.

Umaangat na rin ang mga numero ng Gilas Pilipinas members na sina Jeff Chan at Gabe Norwood. Ang iba pang inaasahan ni Guiao ay sina Beau Belga, Ryan Araña, Paul Lee at Chris Tiu.

Tinapos ng Global Port ang elims sa kartang 4-5 at nakasiguro na sila ng pinakamataas na placing sa kanilang unang taon bilang miyembro ng pro league. Subalit hangad ni coach Junel Baculi na maigiya pa sa mas malayo ang Batang Pier.

Makakatunggali ni Reid si Markeith Cummings na susuportahan nina Gary David, Willie Miller, Sol Mercado at Jay Washington na kamakailan ay pinarangalan bilang Accel-PBA Press Corps Player of the Week.

Matapos na matalo sa unang laro, rumatsada ang Petron Blaze at nagtala ng eight-game winning streak upang maghari sa elims.
Kabilang sa streak na ito ang 101-95 tagumpay laban sa Gin Kings noong Agosto 18.

( Photo credit to INS )

Read more...