Martial Law movie na ‘Katips’ humakot ng trophy sa FAMAS 2022; Vince Tañada tinuhog ang best actor at best director awards

Dexter Doria, Mon Confiado, Jerome Ponce at Vince Tanada

HUMAKOT ng tropeo ang pelikulang “Katips” sa 70th FAMAS Awards sa ginanap kagabi sa Metropolitan Theatre sa Maynila, kabilang na riyan ang Best Picture.

Pitong award ang naiuwi ng “Katips” mula sa nasabing award-giving body — bukod sa Best Picture, wagi rin si Vince Tañada bilang Best Actor at Best Director.

Tinalo ng actor-producer at abodo ang mga kalaban niyang sina Daniel Padilla (Kun Maupay Man It Panahon), Dingdong Dantes (A Hard Day), at ang co-star niya sa “Katips” na si Jerome Ponce para sa pinakamahusay na aktor ng FAMAS ngayong taon.

Nasungkit din ng indie at theater actor na si Johnrey Rivas ang Best Supporting Actor award para sa “Katips”.


Ang iba pang napanalunang award ng “Katips” ay ang Best Original Song para sa “Sa Gitna ng Dulo” (music by Pipo Cifra, lyrics by Vince Tañada), Best Musical Score para kay Pipo Cifra at Best Cinematography para kay Manuel Abanto.

Wagi namang best actress si Charo Santos para sa pelikulang “Kun Maupay Man It Panahon” kung saan tinalo naman niya sina Sharon Cuneta (Revirginized), Janine Gutierrez (Dito At Doon), at Maja Salvador (Arisaka).

Si Janice de Belen naman ang nanalong Best Supporting Actress para sa “Big Night”.

Samantala, makikipagbakbakan naman ang “Katips” sa “Maid In Malacañang” simula sa darating na August 3 sa mga sinehan nationwide.

Ayon kay Vince na isa ring stage actor at founder ng Philippine Stagers Foundation, hindi siya natatakot o nababahala sa magiging tapatan ng kanilang pelikula at ng kontrobersyal na obra no Darryl Yap na “Maid In Malacanang”.

“Lahat po ng produkto hindi naman puwede na may monopolya. Kaya nga may iba’t iba tayong mga brand kasi don mamimili ang tao kung ano ang gusto nilang panoorin. Tayo naman po, we are just serving our art,” pahayag ng aktor, direktor ay producer.

“Pero ang pinakamabuti siguro panoorin nila yung dalawa at mamili kung ano ang mas maganda at mas matino…hindi naman nila ako kailangang i-bash kasi hindi pa nila napapanood yung pelikula, eh.

“Ang nakakatawa, kapag sinabing about sa Martial Law yung pelikula anti-BBM ka na. Panoorin muna nila at saka nila sabihin na anti-BBM or anti-Marcos yung pelikula. Kapag nakita nila na, ‘Oo nga, anti-Marcos,’ doon sila simulang mag-bash.

“Ang problema sa mga bashers they are bashing without any basis. Kailangan may basehan muna, may konteksto na sinusunod bago mag-bash.

“Ang pelikula namin ay pagpapakita ng mga karanasan ng mga simpleng Pilipino, positibo man o negatibo nandito sa pelikulang ito,” matapang na litanya ni Vince Tañada na ang tinutukoy ay ang mga naging kaganapan noong panahon ng Martial Law sa ilalim ng Marcos administration.

https://bandera.inquirer.net/320055/vince-tanada-inilaban-na-mapanood-sa-mas-maraming-sinehan-ang-katips

https://bandera.inquirer.net/320096/g-tongi-bet-panoorin-ang-katips-let-me-know-what-you-all-think

https://bandera.inquirer.net/319989/vince-tanada-tatapatan-ng-katips-ang-maid-in-malacanang-ni-darryl-yap

Read more...