BIGLANG tumulo ang luha ng komedyanteng si Chad Kinis sa ginanap na presscon ng Beks Battalion para sa major-major concert nila sa New Frontier Theater next month.
Hindi napigilan ni Chad ang maging emosyonal nang mapag-usapan ang tungkol sa posibleng pagkabuwag ng grupo nila nina Lassy Marquez at MC Muah.
Ayon sa stand-up comedian, sakali mang mawala ang Beks Battalion, sinisiguro niya na marami silang maiiwang magaganda at masasayang alaala sa madlang pipol.
“Kami po puwedeng mawala sa mundong ito pero sinisigurado po namin, gusto namin we want our legacy bilang Beks Battalion will not be lost forever,” aniya sa mediacon ng “Beks 2 Beks 2 Beks” concert ng Beks Battalion last July 22.
Kasunod nito, hiningan nga ang magkakaibigan ng mensahe para sa isa’t isa kung sakaling mawawala na ang Beks Battalion bukas.
Sagot ni Lassy, “Maraming salamat sa kanilang dalawa dahil napakalaking bahagi n’yo sa puso ko, sa buhay ko.”
“Maraming salamat sa pagmamahal na hindi n’yo ipinagkait sa akin, sa tiwala na ibinigay n’yo sa akin, sa kakayanan ko, sa talento ko na kaya ko palang gawin ito, na hindi lang ako basta komendyante kundi bilang tao at bilang kaibigan.
“At hindi ko makakalimutan ito hanggang sa pagtanda ko. Maraming salamat,” sabi pa ni Lassy sa dalawang kaibigan.
“Parang hindi ko maisip kasing wala ’yong Beks Battalion… Pero laging s’yempre, pasasalamat, hindi mawawala ’yon,” sabi naman ni MC.
“Parang ’yon lang ang p’wede kong masabi sa Beks Battalion dahil ang Beks Battalion ang nagmulat sa mga stand-up comedians na mag-vlog din,” dagdag pa niya.
Aniya pa, “Parang kami ang naging pamantayan at nagturo sa kanila na hindi lang pagiging komedyante sa comedy bar ang p’wede natin pagkakitaan at maging buhay.
“Pwede rin itong channel na ito, itong vlog na ito, itong YouTube na ito. Meron din tayong space o lugar para dito.
“Kaya ako siguro, walang katupasang pasasalamat. Salamat sa kanilang dalawa in many ways. ’Yon lang siguro ang masasabi ko. Salamat talaga,” chika ni MC.
Para naman kay Chad, “Hindi ko rin maisip talaga na mawawala ang Beks Battalion. Para sa akin, ’yon din ang masasabi ko, pasasalamat. Pero ako, naniniwala ako na kahit ilang bukas pa ang dumating hindi po mawawala ang Beks Battalion.”
At dito na nga naiyak si Chad, “Pwede po kami mawala pero… naiyak ako.”
“’Yung pinakamasayang parte ng buhay ko kasi nu’ng nakasama ko sila at nabuo ang Beks Battalion,” sey ni Chad.
“Kami po pwedeng mawala sa mundong ito pero sinisigurado po namin, gusto namin we want our legacy bilang Beks Battalion will not be lost forever,” paniniguro ng komedyante.
Pang-aasar naman ni MC sa pag-iyak ni, “Pupunta sa mga butas-butas mo ’yan (luha).”
Natatawa pang Hirit ni Lassy, “Baka pumasok ’yan ha. ’Wag kang yuyuko baka maging pandilig!”
Sagot naman ni Chad, “Hindi po ako iyakin sa amin. Si MC po talaga. Natiyempuhan lang po talaga ako. May mga pagkakataon po kasi ’yong mga ganyang bagay na ayaw kong maisip tapos nasasagi.”
“Ayon po, lagi ko sinasabi, ’yong Beks Battalion kailangang mag-leave ng marka na p’wedeng sundan ng iba,” sabi pa ni Chad.
Samantala, hahataw na ang “Beks 2 Beks 2 Beks” concert sa Aug. 26, 8 p.m., sa New Frontier Theater. Kabilang sa mga special guests sa show ay sina Vice Ganda, Zeinab Harake, Ate Gay, Michael Pangilinan, Bugoy Drilon, Daryl Ong at marami pang iba.
For ticket inquiries, bumisita lang sa Viva Live Facebook at Instagram (@vivaliveofficial).
https://bandera.inquirer.net/280376/2-miyembro-ng-beks-battalion-tinamaan-ng-covid-19-chad-kinis-nahawa-sa-hiniram-na-lip-balm
https://bandera.inquirer.net/285859/beking-talent-manager-hirap-na-hirap-kalimutan-ang-nakarelasyong-bl-actor
https://bandera.inquirer.net/286295/fans-inireklamo-ang-relasyon-ng-beking-manager-sa-bl-actor-nagkainlaban-o-ilusyon-lang