DALAWANG virtual competitions ang idinaos ng Miss Philippines Earth pageant, noong 2020 at 2021, dahil sa bantang hatid ng pandemyang bunga ng COVID-19.
Ipinagpatuloy ng Carousel Productions ang pagtatanghal ng patimpalak kahit pa pansamantalang itinigil ng ibang mga organisasyon ang pagdaraos ng kani-kanilang mga palatuntunan.
Ngunit makaraan ang dalawang taon, muling nagbabalik sa aktwal na entablado ang Miss Philippines Earth pageant sa pagdaraos ng una nitong face-to-face preliminary competition noong Hulyo 27 sa Viridian sa San Juan City.
Nagtipon ang Top 20 candidates sa preliminary judging para sa “beauty of face” at para sa “poise” na isinagawa ng pageant partner na Connext Holding Inc.
Sa unang pagkakataon, pumarada ang mga kandidata sa harap ng mga inampalan, habang may mga piling manonood na nakaabang sa kanilang pagsampa sa entablado.
Nasaksihan din ang pagsasama-sama ng mga reyna ng 2021, mga nagwagi sa virtual competition, sa iisang lugar. Sina Miss Philippines Earth Naelah Alshorbaji at Miss Philippines Water Rocel Songano ang naging host habang nakamasid sina Miss Philippines Air Ameera Almamari, Miss Philippines Fire Roni Meneses, at Miss Philippines Ecotourism Sofia Lopez Galve.
Mahalaga ang nangyaring kumpetisyon sapagkat ilang ulit nang hinihimok ng mga tagasubaybay ng patimpalak ang Carousel na ibalik na ang pagdaraos ng aktwal na patimpalak sa isang pisikal na entablado. Nagsimula ang edisyon ngayong taon na nagtatagisan ang 38 kalahok sa iba’t ibang kumpetisyon online.
Mula sa mga resulta ng virtual competitions, nakuha ang Top 20 na umusad sa pisikal na yugto ng patimpalak. Sunod naman silang sasabak sa judging para sa “form and figure” at official press presentation sa Grand Fountain ng Okada Manila sa Parañaque City ngayong Hulyo 28, alas-4 ng hapon.
Lilipad silang lahat sa Coron, Palawan, para sa iba’t ibang mga proyektong pangkalikasan, at para sa coronation night na itatanghal sa Agosto 6.