MAKALIPAS ang mahigit walong taong pag-aaral sa kolehiyo, naka-graduate na rin sa wakas ang isang dating gasoline boy.
Isa na ngayong proud architecture graduate ang 31-year-old na si Jonell Calisin nang magtapos ng kolehiyo sa Bulacan State University.
In fairness, kahit na walong taon ang inilagi niya sa pag-aaral sa kolehiyo ay natapos pa rin niya ito. Pinagsabay kasi ni Jonell ang pag-abot sa kanyang pangarap na makapagtapos at ang pagtatrabaho.
Bukod daw sa pagiging attendant sa isang gas station, namasulan din siya bilang former factory worker at merchandiser.
Kuwento ni Jonell, dumating din siya sa puntong nahihiya na siyang pumasok dahil ang babata na ng kanyang mga kaklase. May pagkakataon pa nga na mas matanda pa siya sa mga professor.
Pero sa kabila nito, mas nanaig pa rin ang kanyang kagustuhan na makatapos at makuha ang inaasam na college diploma.
“Hindi kami mayaman, hindi ako matalino, hindi ako proud na umabot ako ng eight and half year sa college pero ang tanging maipagmamalaki ko lang ay ‘yung hindi ako sumuko sa hamon ng buhay,” pahayag ni Jonell sa isang panayam.
Ang isa sa nga nagmo-motivate palagi sa binata ay ang pangarap niya na mabigyan ng sariling bahay ang pamilya at maprotektahan ang mga ito.
“Lagi ko lang tinitingnan ‘yung bahay namin. Kapag gusto ko nang sumuko lagi kong iniisip na gusto kong makaranas ng may maayos na bahay, ‘yung hindi kayo nababasa kapag umuulan, hindi sobrang init lapag tag-araw, yung sarili n’yo na ‘yung lupa,” aniya pa.
Ang paalala naman niya sa lahat ng mga tulad niyang nangangarap ng magandang buhay para sa kanilang pamilya at mga mahal sa buhay, huwag na huwag susuko kahit na sobrang hirap na.
“Magtiwala ka lang sa Diyos at magugulat ka na lang nakamit mo na pala ‘yung mga pangarap mo,” sabi ni Jonell.
https://bandera.inquirer.net/290292/angeline-pangarap-maka-graduate-ng-college-gustong-magtayo-ng-resto-sa-pangasinan
https://bandera.inquirer.net/290444/cassy-proud-working-student-nag-aaral-habang-nasa-lock-in-taping-stressful-but-fun
https://bandera.inquirer.net/307246/maymay-kakaririn-ang-pag-aaral-sa-canada-ang-buhay-ko-po-rito-ay-masayang-masaya