“KAILANGAN talaga animal lover at may takot sa Diyos!” Yan ang dalawa sa mga “requirement” ng biriterang singer na si Jona sa kanyang future boyfriend niya.
Sa dami kasi ng mga alaga niyang aso at pusa, bukod pa sa kanyang showbiz career, siguradong mahahati ang atensiyon niya sakaling magkaroon na siya ng dyowa.
Buti na lang daw at single ngayon si Jona kaya wala pa siyang problema o isyu sa pakikipagrelasyon at talagang nabibigyan niya ng sapat na panahon ang 70 hayop na kanyang inaalagaan.
Aniya, hindi raw masama ang maging choosy sa panahong ito pagdating sa usaping lovelife dahil usung-uso nga ang hiwalayan at ghosting ngayon in and out of showbiz.
“Kikilalanin mo munang mabuti yung tao talaga, kung ano ang values niya, kung ano ang background niya, understanding ba siya, makapamilya ba siya, God-fearing ba siya.
“Kasi kahit magkaiba kayo, let’s say hobbies or interests, pero kung may wide understanding and compromise para sa isa’t isa. I think importante rin na mayroong compassion sa animals,” pahayag ni Jona nang makachikahan namin kamakailan sa naganap na media tour sa Calatagan South Beach, isang leisure tourism estate na pag-aari ni Manny Pangilinan.
Dugtong pa ng Birit Queen, “Hindi naman ako nagra-rush. Di ko naman pine-pressure yung sarili ko, go with the flow lang.”
Aniya pa, “Hindi naman natin masasabi kung ano ang mangyayari in the future, pero yun din, nag-iingat ka rin. Dapat mayroon ka ring standards kahit paano.
“Hindi masamang sabihin na dapat maging choosy ka rin talaga sa kung sino ang papapasukin mo sa buhay mo,” katwiran pa ng dalaga.
Sey pa ni Jona, sana raw ang ibigay sa kanya ni Lord ay isa ring animal lover at animal welfare advocate para hindi maging issue sa kanila ang pag-aalaga at pagre-rescue niya ng mga aspin at stray cats.
Sa katunayan, nagpapatayo na siya ng animal shelter sa isang lugar sa Rizal, “Yung nandu’n sa bundok, mga nasa 16 dogs pa lang pero maraming naiwan sa bahay. Yung nasa bahay, almost 15 dogs, tapos yung mga cats, 40 plus. Hindi pa kasi tapos ang construction doon ng cattery kaya di ko pa sila muna mailipat lahat.
“Mahirap talaga, magastos, kaya kailangang magtrabaho nang magtrabaho para sa kanila. Thankful naman kasi kahit papaano may pumapasok na work so nag-a-allot ako ng budget para sa supplies nila and emergency funds.
“Grabe yung time na dine-demand, na kinakain ng pag-aalaga. We are not talking about two dogs, five dogs, but 30-plus dogs and 40-plus cats, so mahirap magkaroon ng extra time to kunwari mag-mingle, mag-date,” pahayag ni Jona.
Samantala, nagbigay din ng saloobin si Jona sa mga nagsasabi na tila hindi na uso ngayon ang mga biritera dahil iba na ang gusto ng mga tao ngayon, lalo na ng mga Gen Z at millennials.
“Honestly, a little pressured, kasi kailangan parang sumasabay ka rin sa uso kahit paano, di ba? Kailangan nandiyan pa rin naman sa iyo ang core mo, kung ano ang talaga ang totoong genre mo.
“But hindi naman ako ganu’n ka-pressured, but there’s a little pressure na, ‘O, for my next project kaya ano ang puwede kong mai-inject sa music ko para kahit paano maka-reach tayo ng ibang audience?’
“Masasabi ko na kahit paano mayroon na rin akong tinatawag na core audience. Yung mga supporters ko ever since na nasanay sa genre kung saan ako nakilala.
“Isa sa mga goals ko when it comes to my music career na maka-tap din ng iba pang audience, like the young one, I’m trying to explore or mag-inject ng kaunting styles sa music ko para makaka-relate din naman sila,” aniya pa.
Tungkol naman sa career niya ngayon, “Sobrang okay naman, heto medyo nakaano na sa pandemic blues so start na uling mag-work and everything. Active na uli.
“Bale I have two shows in TV5, Sing Galing regular edition and yung bagong launch na Sing Galing Kids. Isa ako sa juke bosses or judge,” ani Jona.
Pahabol pa ng dalaga, “Sa ngayon, wala pa akong naka-set na ASAP schedules so waiting ako kung kailan ako tatawagin. Flexible naman ako, parang open to any opportunities.”
https://bandera.inquirer.net/305297/jona-wala-pa-ring-dyowa-busy-sa-pagliligtas-pag-aalaga-sa-mga-asot-pusa
https://bandera.inquirer.net/318959/70-na-ang-alagang-asot-pusa-ni-jona-sa-bahay-gumagastos-ng-p70k-kada-buwan
https://bandera.inquirer.net/310794/jona-dedma-lang-sa-politika-noon-pero-naninindigan-para-kay-leni-robredo-ngayon