Jane de Leon binanatan ng netizen, binuhay ang pagiging Kakampink: Let’s boycott Darna!

Jane de Leon

NAGLIYAB na naman ang social medi matapos mag-viral at maging isa sa top trending topic sa Twitter ang hashtag #BoycottDarna.

Ang tinutukoy nga rito ay ang bagong version ng action-fantasy at Filipino superhero series na “Darna” na mapapanood na next month sa ABS-CBN.

Pagbibidahan ito ng Kapamilya actress na si Jane de Leon na siyang gaganap bilang iconic Pinay superhero na si Darna kasama sina Iza Calzado, Joshua Garcia, Zaijian Jaranilla at Janella Salvador.

Isang netizen na may username na @YesYesyo13 ang nag-tweet ng, “Guys, let’s give the Kakampwets a taste of their own cancel culture. PINK SI @Imjanedeleon. LET’S BOYCOTT DARNA!!” At sa huli ay ginamit nga niya ang hashtag na #BoycottDarna.

Obviously, ang tinutukoy ng netizen na “pink” ay ang pagiging Kakampink ni Jane dahil nga sa pagsuporta nito sa kandidatura ni dating Vice President Leni Robredo noong May 9 presidential elections.

Natalo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos si Leni Robredo sa pagkapangulo sa kabila ng pagsuporta ng napakaraming malalaki at sikat na celebrity noong panahon ng kampanya.


Iba-iba ang naging reaksyon ng netizens sa panawagang iboykot ang “Darna” ni Jane – may mga sumang-ayon pero marami rin ang kumontra rito.

Ayon sa ilang netizens, napakababaw namang dahilan ang pagiging Kakampink ni Jane para hindi suportahan at panoorin ang bago niyang teleserye sa ABS-CBN.

Sey pa ng mga fans ng Kapamilya actress, bakit daw parang hindi pa maka-move on ang mga detractors ni Leni Robredo sa nakaraang eleksyon.

May mga nabasa pa kami na nagsabing iboboykot naman ng mga Kakampink ang pelikulang “Maid In Malacañang” ng Viva Films na idinirek ng Marcos supporter na si Darryl Yap.

Ang kuwento ng “Maid in Malacañang” ay tungkol sa huling tatlong araw ng pamilya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr.  sa Malacañang bago sila lumipad papuntang Hawaii noong kasagsagan ng 1986 EDSA People Power Revolution.

Bida rito sina Cesar Montano bilang Ferdinand Marcos, Sr., Ruffa Gutierrez bilang Imelda Marcos, Diego Loyzaga bilang Bongbong Marcos, Jr., Cristine Reyes bilang Imee Marcos at Ella Cruz bilang Irene Marcos.

Ayon naman sa ilan pang comments na nabasa namin, unfair daw na idamay at personalin si Jane sa mga isyu ng politika dahil nanindigan lang ang dalaga sa pinaniniwalaan niya.

Chika pa ng mga ito, sana raw ay mag-move on na ang mga galit at kumokontra kay VP Leni para sa katahimikan ng lahat at para na rin sa ikauunlad ng bansa.

Habang sinusulat namin ang balitang ito ay wala pang inilalabas na pahayag si Jane na super busy pa rin ngayon sa shooting ng “Darna.”

https://bandera.inquirer.net/315103/jane-de-leon-handang-handa-nang-makipagbakbakan-kay-janella-salvador-sa-darna-magtutuos-na-kami

https://bandera.inquirer.net/313927/jane-de-leon-biglang-naiyak-nang-isuot-ang-darna-costume-parang-doon-lang-nag-sink-in-sa-akin-na-this-is-it

https://bandera.inquirer.net/313824/jane-de-leon-pinayuhan-ni-angel-locsin-ready-dapat-ako-anytime

Read more...