DIRETSAHANG inamin ni Miss Universe Philippines 2020 Rabiya Mateo na naging “NPA” rin siya at ang kanyang pamilya noong walang-wala sila sa buhay.
Tulad ng karamihan sa mga Filipino, dumanas din ng matinding hirap ang beauty queen-turned actress noong kabataan niya kaya naman talagang ipinangako niya sa sarili na gagawin niya ang lahat para makaahon sa hirap.
Ayon kay Rabiya, maituturing din sila noon ng kanyang single mom at nakababatang kapatid na mga “NPA,” o ang mga tinatawag na “no permanent address.”
“Nag-Grade 1 ako dito sa Manila, nag-Grade 2 ako sa Laguna, nag-Grade 3 ako sa Iloilo. Napalipat-lipat talaga kami because wala kaming address, wala kaming bahay.
“Nagre-rent lang kami, and kapag hindi nakabayad ng rent, pinapalayas. Ganoon kahirap yung buhay namin,” pahayag ng dalaga sa panayam ng Kapuso podcast na “Updated with Nelson Canlas.”
Tandang-tanda pa raw ng “TiktoClock” host ang eksena kung saan pinalayas na sila sa tinitirhang bahay sa Laguna at sinabihang kailangan na rin nilang iwan ang kanilang sala set, TV at refrigerator bilang bayad sa utang nilang renta.
“Hindi naman siya traumatic pero more of naaawa ako sa nanay ko. Kasi siyempre, nakikita mo ’yong mama mo nagmamakaawa para sa inyo.
“Nangungutang kung kani-kanino, sa mga kamag-anak, minsan hindi na rin tinutulungan. Kasi siguro ayaw din nila madamay sa hirap ng buhay namin,” pag-alala ni Rabiya sa buhay nila noon.
“Bata pa lang ako, namulat na talaga ako sa hirap ng buhay,” aniya pa.
Buti na lang daw at naging full scholar siya sa college kaya malaking tulong sa kanilang pamilya. Naging working student din siya para magkaroon ng extra income.
“Kukuha ako ng exam na may rollers ako sa buhok kasi after niyan, magpa-fashion show ako. Pero hindi ko dapat pabayaan iyong exam ko kasi scholar ako, so parang I need to balance everything,” kuwento pa ng dalaga.
At nang maka-graduate (nagtapos ng cum laude) iniwan na nga niya ang para magtrabaho sa Manila, “Nakipagsapalaran ako dito kasi kailangan ko pa pag-aralin kapatid ko.”
Nabanggit din ni Rabiya ang isang touching na eksena nang sumali na siya sa beauty pageant, “When I competed for Miss Universe Philippines, iyong mama ko kailangan niya pang pumunta sa kapitbahay at makinuod during my pageant kasi wala kaming TV.”
Sa kabila ng mga hamon at pagsubok na kanyang hinarap, nanatiling palaban ang aktres, “Pinupuno ko talaga iyong utak ko ng positivity na kasi galing sa hirap, maaangat ko rin ang pamilya ko someday. So iyon ang naging promise ko kay mama.”
Dugtong pa ni Rabiya, “Ngayon, mas inspired ako to do so much better kasi inaalay ko talaga ito sa mom ko. Like siya lang kasi mag isang nag-taguyod sa amin, siya lang. Kaya deserve niya lahat.
“Deserve niya lahat ng pagmamahal, lahat ng ginagawa sa buhay, mahal na mahal ko po talaga iyong nanay ko,” sey pa ng Kapuso star sa nasabing panayam.
Samantala, all set nang magpasaya tuwing umaga sina Pokwang, Rabiya at Kuya Kim Atienza sa pinakabagong countdown variety show ng GMA na “TiktoClock.”
Iba’t iba man ang personalidad at background ng tatlong hosts, swak na swak naman sila sa programang ito.
Ayon sa “TiktoClock” program manager na si Charles Koo, ideya ng creative team ng programa na pagsama-samahin silang tatlo.
“Parang naging magandang idea to combine three very unique personalities. Kahit anong ibato sa kanila na segment sa TiktoClock, handang-handa sila dahil sa iba’t ibang personalidad at kakayahan nila,” aniya.
Abangan sina Kuya Kim, Pokwang, at Rabiya sa “TiktoClock” simula ngayong Lunes (July 25), 11:15 a.m. sa GMA 7, bago mag-“Eat Bulaga.”
https://bandera.inquirer.net/289263/rabiya-mateo-ayaw-na-ayaw-ng-dinuguan-muntik-maputol-ang-dila-dahil-sa
https://bandera.inquirer.net/314612/rabiya-mateo-malalim-ang-hugot-may-konek-kaya-sa-relasyon-nila-ni-jeric-gonzales
https://bandera.inquirer.net/298218/rabiya-kinarir-ang-pagboboksing-para-sa-pagiging-action-star-game-na-game-magkontrabida