SA 33 years of existence ni Rayver Cruz ay inamin niyang ngayong taon (July 20, 2022) ang pinakamasayang kaarawan niya.
Yan ang mensahe ng aktor at TV host nang hingan siya ng komento sa programang “All Out Sundays” nitong nagdaang Linggo, July 17, kung saan binigyan siya ng birthday celebration.
May production number si Rayver kasama ang kapatid na si Rodjun Cruz at asawang nitong si Dianne Medna Ilustre with cousins Geneva Cruz aand Sunshine Cruz sa awiting “Let’s Groove” ng Earth, Wind and Fire.
Pagkatapos ng prod number ay hiningan naman ng komento ni Christian Bautista ang mga kaanak ng singer-actor habang katabi naman ni Julie Anne San Jose ang rumored boyfriend.
“Kung bibigyan ninyo ng warning ang magiging future ka-lovelife ni Rayver tungkol sa kanya, ano ‘yun?” tanong ni Christian.
Tawang-tawa kami dahil inilaglag nina Rodjun, Dianne, Geneva at Sunshine si Rayver kay Julie Anne.
Diretsahang sabi ni Geneva kay Julie Anne, “Ang warning lang para kay Julie, ito diretso, dahil Cruz si Rayver, maghanda ka na. We cannot wait na magkaroon kami ng pamangkin. Excited na kami. Diretso na ’yon, sana maging kayo na talaga.”
Sinundan ng kuya Rodjun ng aktor, “Julie, alam mo, kailangan si Ray, bigyan mo ’yan ng time sa gaming n’ya. Kasi pag nagko-computer ’yan, may sariling mundo ’yan. Kahit tumatawag ako hindi ako pinapansin n’yan. Busy s’ya maglaro.”
Tumatawang sagot ni Rayver, “Hindi, itatapon ko na ’yon. Itatapon ko na ’yon.”
Sabi rin ng hipag ni Rayver na si Dianne, “Julie, extra patience for Ray. Bakit? Pag ka-text mo si Rayver ang tagal mag-reply minsan so kailangan pasensya para mag-reply. May ganu’n kasi si Rayver, kapag kunwari into games na s’ya minsan matagal s’ya mag-reply.”
“Medyo strike two na ang gaming, Ray, ah,” sambit naman ni Christian.
“Hindi, itatapon ko na talaga. Itatapon ko na ’yon,” sabi ulit ng binata.
Samantala, ipinaglihi pala si Rayver sa pinsan niyang si Sunshine kaya pala hawig sila at ibinuking ding matakaw sa kanin ang aktor.
“Trivia muna bago ‘yung aking advice sa magiging forever ni Ray. Ipinaglihi po sa akin si Rayver sa mga hindi po nakakaalam kaya po magkamukha kami.
“And ang aking maia-advice sa kanyang magiging forever, kailangan marunong magsaing. Kasi si Rayver kaya n’ya hanggang seven cups of rice. So, dapat marunong magsaing ng masarap na kanin,” ani Sunshine.
Mukhang hindi na kailangang umamin nina Rayver at Julie Anne kung anong mayroon sila dahil base sa mga “warning” ng mga kaanak ng binata ay sila na talaga.
https://bandera.inquirer.net/294350/janus-del-prado-biktima-ng-scam-may-warning-sa-madlang-pipol
https://bandera.inquirer.net/297923/rodjun-nagparamdam-ng-suporta-kay-rayver-got-your-back-always-brother
https://bandera.inquirer.net/311027/rodjun-cruz-nahulaang-magiging-ka-loveteam-si-jo-berry-ang-galing-ni-lord-after-2-years-dumating-ang-little-princess