Huwag dagdagan ni Noynoy ang kanyang problema

Target ni Tulfo by Mon Tulfo

HUWAG nang dagdagan ni Noynoy Aquino ang kanyang mga problema bilang bagong elected president sa pakikipag-away kay Chief Justice Renato Corona.
Andiyan na iyan. Di na mababawi ni Noynoy ang panunumpa ni Corona bilang bagong Chief Justice.
Kung ayaw niyang kilalanin si Corona at ayaw din naman ni Corona na bumaba sa puwesto, baka magkaroon ng constitutional crisis.
* * *
Hindi kinikilala ni Aquino si Corona bilang bagong hirang na Supreme Court Chief Justice dahil siya’y inapoint ng papalabas nang Pangulong Gloria.
Kasalanan ni Gloria na nagbigay pa siya ng midnight appointment kay Corona.
Hindi kasalanan ni Corona na kailangang mapuno ang bakante na iniwan ng pagretiro ni Chief Justice Reynato Puno.
Hayaan na lang ni Aquino ang pagkakaluklok kay Corona.
Mas marami at malalaking problema pang aasikasuhin si Noynoy bilang bagong pangulo.
* * *
Magiging katawa-tawa siya at ang buong bansa kapag itinuloy ni Noynoy ang kanyang balak na manumpa sa harap ni Chairman Edgardo Aguas ng Barangay Central sa loob Hacienda Luisita.
Sabi ni Aguas, wala raw siyang gagamiting barong Tagalog sa panunumpa ni Aquino sa harap niya.
Kung masyadong naghihirap itong si Aguas na hindi siya makabili ng barong Tagalog ay hindi maganda para kay Noynoy Aquino ang balitang ito.
Dahil alam natin na pag-aari ng pamilya ni Noynoy ang Hacienda Luisita.
Ibig sabihin ay naghihikahos ang mga empleyado at kasama sa Hacienda Luisita dahil di makabili ng simpleng barong si Aguas.
Si Aguas ay empleyado o kasama sa Hacienda.
Kung ang sarili nilang mga empleyado at kasama ay hindi maalagaan nang maigi, paano maaalagaan ni Noynoy ng mabuti ang buong bansa?
* * *
Tandaan ninyo ito: Yung mga taong hindi marunong mag-alaga ng kanilang mga kasambahay ay hindi rin marunong mag-alaga ng kanilang mga tauhan sa labas.
Sa pagturing mo sa iyong kasambahay o katulong sa bahay nakikita ang iyong tunay na pag-uugali.
May kasabihan na “Charity begins at home.”
* * *
Papalitan na raw nina Ali Baba and his 40 thieves ang samahang Bonnie and Clyde sa gobyerno.
Sina Bonnie at Clyde ay magsing-irog na kriminal na naghasik ng lagim sa America noong dekada ‘20.
Alam na natin si Ali Baba sa mga kuwento ng Arabian Nights.
* * *
Nagsumbong sa Calvento Files, isang public service program ng dwIZ, ang pamilya ng biktima sa isang kasong homicide na hinahawakan ni Ellenita Alviar.
Malamya raw ang paghawak ni Piskal sa kaso kaya’t dumulog ang pamilya ng biktima sa Calvento Files.
Nang tumawag ang staff ng Calvento Files kay Alviar, nagsisigaw raw ito sa galit.
Sinabi raw ni Alviar na bakit nakikialam ang media sa kaso.
Aba’y tanga pala itong si Alviar at hindi alam ang ginagampanan ng media sa lipunan.
Ang media, para sa kaalaman ni Alviar, ay nagsisilbing watchdog o tagabantay sa mga gawain ng mga tauhan sa gobyerno.
Kapag walang media, paano malalaman ng publiko ang ginagawang pangungurakot, katamaran o pang-aabuso ng mga taong-gobyerno?
Kung ayaw mong mapuna bilang government employee, Alviar, magbitiw sa iyong tungkulin.
A public position is a public trust.
Ang iyong hinahawakang posisyon ay isang public trust o sa pagtitiwala sa iyo ng taumbayan.
* * *
Mga isang linggong mawawala ang column na ito.
Magbabakasyon muna ang inyong lingkod.

Bandera, Philippine News, 051910

Read more...