Bakit ako atat na atat sa Vizconde Massacre?

Target ni Tulfo by Mon Tulfo

NGAYONG natapos na ang mala-telenobela na eleksyon sa bansa at ang bida ay malapit nang maluklok, sana’y pansinin naman ng publiko ang isang mas kapana-panabik na nobela: ang Vizconde Massacre, Part II. Kaso, ang bida o mga bida sa Vizconde Massacre ay ang mga nakakulong at ang kontrabida ay yung mga taong nagpakulong sa kanila. May mga testigo at ebidensiya na lumabas kamakailan lang na nagpapatunay na walang mga kasalanan ang mga nakakulong ngayon. Dalawang taong tetestigo para kina Hubert Webb at kanyang mga kasamahang convicts na ang aking nakausap. Ang dalawa ay sina John Herra, dating ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) na naging bodyguard ni Jessica Alfaro, ang principal witness, at Tony Calvento, batikang kolumnista. Nakausap ko sina Herra at Calvento one after the other sa iba’t ibang lugar at sinabi nilang tetestigo sila kapag binuksang muli ang kaso ng Supreme Court. Maraming sinabi sa akin sina Herra at Calvento na dapat ay sa korte na lang marinig at hindi dito sa “Target ni Tulfo” dahil ayaw kong maunahan ang korte. May isang napakahalagang ebidensiya na di binigyang importansiya ni Paranaque Judge Amelita Tolentino, na siyang nagdinig sa tinaguriang “trial of the century.” Ang ebidensiyang tinutukoy ko ay ang note verbale ng Estados Unidos na nagsasabing nasa America si Hubert nang maganap ang karumal-dumal na krimen. Nakasaad pa sa note verbale ang mga petsa ng pagdating ni Hubert sa America at ang pag-alis nito. Ano ang note verbale? Ito ay diplomatic note na sumasagot sa katanungan ng isang bansa sa kapwa bansa ito. Binale-wala ni Tolentino ang note verbale, at sinabing dapat ay mismong ang noon ay State Secretary Madeleine Albright ang tumestigo sa kanyang korte upang patunayan ang katotohanan ng note verbale. Hello! Bakit naman pupunta si Albright sa bansa para lang tumestigo? Ano siya, bali? Sa ganoong katuwiran ni Judge Tolentino makikita na wala siyang katinuan sa pag-iisip o napakabobo niya! Ibig kong banggitin muli rito na isa sa mga tumestigo para kay Hubert ay si Supreme Court Justice Antonio Carpio na noon ay chief legal counsel ng Ramos administration. Sinabi ni Carpio na si Webb ay nasa America noong June 30, 1991 nang maganap ang Vizconde Massacre. Pero binale-wala rin ni Tolentino ang kanyang testimonya.

* * *

Marahil ay dahil kay Carpio, pinahintulutan ng Korte Suprema na kunan ng semen specimen si Hubert at ikompara ito sa semen specimen na nakuha kay Carmela Vizconde na ginahasa muna bago pinatay. During the trial of the case, Hubert asked Tolentino’s court to have his semen examined and matched that found on Carmela for DNA testing. Hindi rin pinakinggan ni Tolentino ang request ni Webb. Nawawala ngayon ang semen specimen na nakuha kay Carmela. Hindi raw isinauli ni Tolentino sa NBI crime laboratory na nagpahiram sa kanyang korte. Ngayon, ito ang tanong: Kung guilty si Hubert, iboboluntaryo ba niya ang kanyang semilya upang maihambing doon sa nakuha kay Carmela para sa DNA test? Kung may sentido komon si Tolentino, doon pa lang ay ipinawalang-sala na niya si Hubert. I cannot speak for the Hubert’s fellow convicts dahil wala akong personal knowledge ng kanilang whereabouts noong maganap ang Vizconde Massacre. Pumunta ako sa America at nag-check at nag-interview ng ilang tao na nagpatunay na naroon si Hubert noong mga panahong yun.

* * *

Bakit parang atat na atat akong mapawalang-sala si Hubert Webb? Dahil ako po ay isang taong di pinalalampas ang isang injustice o pang-aapi na nangyayari sa isang kasong meron akonng personal knowledge. Yun ngang pambubogbog sa isang di kilalang babae sa kalye na nadatnan ko ay di ko pinalampas, yan pa kayang napakalaking kaso na personal akong nadamay? Another reason—and the more important one—is the journalist’s upholding of the truth. Alam ko ang katotohanan sa Vizconde Massacre, at dahil ako’y isang mamamahayag hindi ako puwedeng magsawalang-kibo na lamang.

Bandera, Philippine News, 051810

Read more...