MERON palang bagong kahulugan ang “umeepal” ngayon, “bumibinay”.
Sino pa naman ba ang pinatutungkulan nito kundi ang pangalan ni Vice President Jejomar Binay.
Kung matatandaan, pumunta si Binay sa Zamboanga City sa kasagsagan ng putukan sa pagitan ng MNLF at tropa ng militar, at sinabing may ceasefire na.
Pero na-boo si Binay sa naging hakbang niya, lalo pa’t itinanggi siya ng Defense department at ng ilan pang mga opisyal ng Gabinete.
Nais nating lahat na walang dumanak na dugo sa Zamboanga lalo na at Pilipino sa Pilipino ang naglalaban.
Pero mukhang galit ang mga taga-Zamboanga kung hindi man lahat ay marami sa kanila. Hindi nila gusto ang ginawa ng MNLF na i-hostage ang kanilang mga kababayan.
Ang gusto ng marami sa kanila ay usigin ng gobyerno ang MNLF na siyang sumira sa kapayapaan sa kanilang lungsod.
Kaya dahil sa ginawa ni Binay na pag-‘epal’ sa sitwasyon at tinangkang pigilan ang pag-usig ng gobyerno sa mga rebelde, nabuo ang bagong salita.
Sa halip na ume-epal, ang ginagamit nila ngayon ay ‘Bumibinay’.
Hindi kaya magmukhang tanga ang mga halal ng bayan sa Kongreso?
Bakit? Ngayon kasing bye-bye na ang pork barrel fund ng mga mambabatas ay wala na silang kasi-guruhan na makakukuha ng proyekto ang kanilang distrito mula sa national government.
Aminin natin na sa ilalim ng sistema ng ating gobyerno, weather-weather lang. Kung kakampi mo ang nasa Palasyo, malamang pagbigyan ang mga hinihingi mong proyekto.
Pero kung kalaban ka, pasensya ka. Bakit nga naman bibigyan ng proyekto ang distrito ng kalaban ng gobyerno.
At dahil inilipat ang pork barrel fund sa mga ahensya, ang gagawin ng mga senador at kongresista ay lalapit sa mga kalihim ng mga ahensya ng gobyerno upang makakuha ng proyekto.
At baka bago makakuha, kailanganin pa nilang lumuhod sa mga ito. Andon din ang pangamba na pag wala silang nagawang proyekto ay di na palarin sa mga susunod na halalan.
Kaya ang payo natin: Gumawa kayo ng maayos na batas!
Isang kongresista, noong may “pork” pa ang nagbigay ng milyong piso para sa isang livelihood program.
Syempre dahil pondo niya iyon, siya ang nagdesisyon kung saan ito mapupunta.
Mayroon na siyang napiling programa—hog raising. Isang magandang proyekto para maparami ang suplay ng karne sa bansa na makapagbibigay ng kabuhayan sa mga walang trabaho.
Pero mukhang kinulang sa pag-iisip (o kaya ay common sense) itong mambabatas na ating tampok.
Biruin mo ba namang ipinadaan niya ang pondo para sa babuyan sa ahensya ng Muslim Affairs.
Ang shonga!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.