MILAGRO at himala raw ang hatid ng imahe ni Virgin Mary sa ilang mga deboto na bigla na lang daw tumubo sa isang bunga ng mais.
Viral na ang isang social media post kung saan bumandera sa isang barangay sa Iligan City ang nasabing imahe ng Birheng Maria sa bunga ng mais.
Naka-display ngayon sa isang kapilya sa Barangay Digkilaan, Iligan ang sinasabing milagrosang image ni Virgin Mary na binabantayan at inaalagaan ng residente roon na si Virginia Ancho.
“Lahat sila pupunta dito, lahat ng hinihingi nila na mga lunas sa mga sakit,” ang pahayag ni Virginia sa panayam ng “Dapat Alam Mo!” nitong nagdaang July 7.
Dagdag na kuwento pa ni Virginia, ang unang tagapag-alaga ng bunga ay si Catalina Barita na siya ring nakatuklas dito ilang taon na ngayon ang nakararaan.
“Nu’ng August 1, 2001, nag-ani siya ng mais. Pagbukas ng mais, may nakita siyang kakaibang bagay at nakita ang imahe ng Birhen,” sabi pa ni Virginia.
Pumanaw si Nanay Catalina noong 2012 at inilibing malapit sa altar na itinayo para sa imahen.
At habang dumaraan umano ang panahon ay mas lumilinaw pa ang imahe ng Birheng Maria sa bunga ng mais na hindi rin daw nabubulok.
Mula raw noon ay dumagsa na ang mga deboto sa kanilang lugar para humingi ng himala at tulong para sa kanilang mga problema at hiling sa buhay.
Bukod dito, may mga deboto rin daw na nanghihingi sa kanila ng binhi para maging masagana ang kanilang ani.
“Nanghihingi sila dito kay nanay ng mga butil ng mais at sinasama nila ito sa kanilang mga binhi. Sa mga magsasaka, ang kanilang mga ani ay maganda talaga ang tubo at malalaki ang mga produktong napo-produce at naha-harvest ng mga magsasaka,” ang kuwento ni Michelle Malasado na naniniwala sa nasabing milagro.
Sabi pa raw ng mga deboto, naniniwala sila na ang paglitaw ng imahe ni Virgin Mary sa bunga ng mais ay isa lamang paalala sa lahat ng mga taong nakalilimot sa kanilang pananampalataya.
Ngunit ayon sa crop science expert na si Lolita Beato, Ph.D, posibleng may “human factor” ang paglabas ng imahe ng Birhen sa mais.
“Kung ang itinanim mo ay corn seed ang kanyang ibubunga ay corn, of course.
“Posible na ang nangyari diyan sa corn na meron kayo diyan ay it is being manipulated by human factors,” sabi ni Beato.
Mariin pa niyang sabi, “Ang paglaki ng corn, that is by nature. Wala tayong variety ng mais na may Birhen, may mais na lumaki. Bakit lumaki? Kasi meron na siyang sakit.
“Ito namang grain crops na ito iyan naman ay masisira. Mabubulok din iyan kahit ano pa ang pagkakatuyo niyan,” paliwanag pa niya.
Samantala, nagbigay din ng reaksyon ang Catholic Church tungkol sa sinasabing milagrosang bunga ng mais. Kailangan daw suriin munang mabuti ang binhi ng mais.
“Ang mag-iimbestiga niyan hindi lamang mga pari, kundi mga expert rin sa siyensya at medisina,” pahayag ni Fr. Jerome Secillano, ang executive secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines on committee on public affairs.
Dugtong pa ng pari, “Lalong-lalo na ang mga ganitong occurrence, phenomena ay hindi naman din talaga madaling i-explain.”
https://bandera.inquirer.net/288241/mama-mary-nagpakita-raw-sa-dating-aktres-na-si-nina-jose-matapos-maaksidente-sa-suob
https://bandera.inquirer.net/289673/hugot-ni-john-lloyd-you-have-to-contend-with-your-demons-for-the-rest-of-your-life
https://bandera.inquirer.net/304633/xian-lim-inirereklamo-sa-basketball-noong-bata-dahil-super-tangkad