LABIS ang pagpapasalamat ng actress-politician na si Angelika dela Cruz dahil ligtas ang kanyang ina at kapatid na si Mika dela Cruz sa kabila ng naranasan nilang panloloob sa kanilang bahay.
“Sa mga nagtatanong po totoo po yan… nagpapasalamat po ako sa mga tanod ng Barangay Longos at mga pulis sa agarang responde at nahuli po ang tao. Salamat din po sa Diyos at walang nangyaring masama sa Mommy ko at kay Mika,” saad ng aktres sa kanyang Facebook account official kaninang tanghali.
Si Angelika ang kasalukuyang Kapitana ng Barangay Longos, Malabon City at pinasok ang bahay ng mommy Angelika Egger at kapatid niyang si Mika dela Cruz kaninang 2:30AM.
Kaagad kaming nagpadala ng mensahe sa aktres cum politiko kung okay ang kapatid niya at mommy niya na may edad na at kung hindi ba sila sinaktan dahil base sa mga larawang naka-post ay nakapaghalughog na sa loob ng kuwarto.
Sunud-sunod ang tanong namin kay Angelika dahil paano nakapasok ang magnanakaw gayung may guwardiya sa labas at loob ng bahay nila plus may mga CCTV’s at 24 oras itong monitored.
“Dumaan ‘yung tao sa spot na natatakpan ng puno .. walang nawala kasi nahuli ‘yung tao, ok naman si mommy at Mika sobrang ninerbyos lang. Magkausap kami sa cellphone buong time na andun ‘yung tao sa loob ng bahay hanggang sa nahuli. Grabe stress na inaabot ko. Hayyyy. Sa mga ganitong oras ko hinahanap-hanap si daddy,”kuwento ni Angelika sa amin.
Balik-tanong namin ay kung pagnanakaw lang ba talaga ang pakay dahil nga nag-post na siya nitong nakaraang buwan na may death threat silang natanggap na may kasamang apat na bala ng kalibre 45 at sulat ng pagbabanta.
Nabanggit pa namin na bakit alam ng magnanakaw ang spot na papasukan niya na ibig sabihin ay matagal na siyang nagmamanman at posibleng may nag-utos.
Hindi rin maganda ito sa pakiramdam ng ina na may edad na at kapatid nitong dalaga na si Mika na mabuti na lang at may mga kasama sila sa bahay.
“Pareho tayo ng iniisip. Aayusin namin ni Nash ngayon lahat para mas maging safe bahay. Kawawa naman si mommy,” sambit ni Angelika na aligaga habang ka-chat namin sa IG dahil sa kaliwa’t kanan nitong kausap.
Ang binanggit ni Angelika na Nash ay si Cavite City Councilor Nash Aguas na boyfriend ng kapatid.
Marami pa kaming tanong pero hindi pa niya kami nasasagot habang sinusulat namin ang balitang ito.
Base naman sa inilabas na balita ng Barangay Longos ay ang kapatid ng aktres cum politiko ang nakahuli sa magnanakaw na si Stephen Ramos, edad 19 na taga-Barangay Bagumbayan Navotas City.
Related Chika:
Angelika dela Cruz nakatanggap ng 4 na bala ng baril at death threat: Napakadumi po talaga ng politika sa ating bansa