ARESTADO ang isang contestant sa male beauty pageant sa Parañaque City dahil sa kasong car theft.
Bago pa makarampa ang suspek na kinilalang si Marlon Billen sa stage ng sinalihang pageant ay hinuli na agad siya ng mga operatiba ng Highway Patrol Group-National Capital Region (HPG-NCR).
Sa ulat ng “24 Oras”, nabatid na ang naarestong suspek ay dating nagtrabaho bilang sales agent sa isang car company.
Sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, nadiskubre na nakapaglabas daw si Billen ng mahigit 10 sasakyan sa pamamagitan ng “assume balance” scheme.
“Marami po siyang ginagamit na pangalan, mga alyas na para makapangloko at makapaglabas ng mga sasakyan sa mga malalaking dealer dito sa kalakhang Maynila,” pahayag ni Police Lieutenant Colonel Joel Mendoza, HPG-NCR chief sa nasabing panayam.
Ipinakita pa ng opisyal ang listahan ng iba’t ibang uri ng sasakyan na naibenta ng suspek sa ilegal na paraan.
Mariin namang pinabulaanan ni Billen ang mga akusasyon sa kanya at ipinagdiinan na biktima rin siya sa nasabing kaso.
“’Yung mga sasakyan na pina-assume nila ay sinalo ko ng may kapalit na pera.
“Tumanggap sila ng cashout na napakalaki. Kesa mahatak ng bangko, perahin pa nila.
“Ako naman biktima lang din dito kasi pinasalo nila sakin ang sasakyan,” paliwanag ng suspek sa nasabing panayam na nakakulong na ngayon.
Samantala, nanawagan naman si Mendoza sa mga nakabili ng mga ibinentang sasakyan ng suspek na i-surrender na ang mga ito para hindi sila makasuhan.
“’Yung mga nakabili nitong mga sasakyan na ito, bukas po ang ating opisina para mai-surrender po ninyo itong mga sasakyan na ito. At para hindi na po tayo magkaroon ng mga kaso,” ang warning ng opisyal ng PNP.
https://bandera.inquirer.net/293478/kim-sinupalpal-ni-vice-sa-isyu-ng-pangloloko-theres-no-acceptable-reason-for-cheating
https://bandera.inquirer.net/295162/kilalang-male-star-sugatan-na-naman-ang-puso-matapos-maghiwalay-ng-ka-live-in
https://bandera.inquirer.net/306650/direktor-awang-awa-kay-sikat-na-male-celeb-dahil-binu-bully-noon-ng-insecure-na-aktor