Babaeng palaboy na yumakap sa reporter na nag-uulat nang live sa TV pumanaw na

Melanie Dubos at Izzy Lee

NAAALALA n’yo pa ba ang babaeng palaboy na bigla na lang lumapit at yumakap sa ABS-CBN reporter na si Izzy Lee habang siya’y nagre-report nang live?

Siya si Melanie Dubos na balitang pumanaw na nito lamang nagdaang July 2. Wala pang inilalabas na official statement ang mga doktor na tumingin sa kanya pati na rin ang kanyang pamilya.

Ayon sa ulat, matapos mag-viral ang video ni Melanie kasama si Izzy Lee ay natunton ng kanyang kapatid na si Mona Dubos ang kanyang kinaroroonan.

Nabatid na may problema nga ito sa pag-iisip kaya ipinasok sa National Center for Mental Health (NCMH) sa Mandaluyong City para magamot.

Sa ulat ng ABS-CBN,  nagkapulmonya raw ang palaboy kaya agad itong dinala sa ospital. Ngunit kasunod nga nito ay ang balitang pumanaw na si Melanie.

Mismong ang taga-Muntinlupa Social Services Department na si Peachy Lacabo ang nagkumpirma ng malungkot na balita. Anito, hinihintay pa nila ang resulta ng swab test ni Melanie bago i-release ang kanyang labi.

“Still waiting for the result ng swab test bago po nila ma-release yung body po ni Melanie.

“Hindi na po tayo nakakuha ng iba pang information kasi nga po yung nagbigay lang po sa atin ng information is the doctor lang po siya sa sakit pero not the psychiatrist.

“E, nung tinatawagan po natin, e, hindi po talaga natin siya natatagpuan, palagi pong nasa meeting,” sabi ni Peachy Lacabo sa nasabing panayam.

Ayon naman sa kapatid ni Melanie na si Mona, ang psychiatric hospital daw kung saan naka-confine ang palaboy bago dalhin sa ibang ospital, ang nagbalita sa kanila ng malungkot na pangyayari.

Pahayag ni Mona, “Hindi naman po nila sinasabi kung ano na ba ang pneumonia nung ate ko, kung grabe na ba o ano.

“Wala po silang update po, e, na kailangan pa bang iano yung ate ko, ganun. Wala pong update, kaya parang nakukulangan ako sa serbisyo nila.

“Twice lang po sila nakapag-text sa ‘kin, Ma’am, tapos biglang magtawag, mag-text na wala na, wala na yung ate ko,” lahad ni Mona sa nasabing panayam.

Hindi rin napigilan ng nanay ni Melanie na si Aida Dubos, ang maiyak nang malaman ang nangyari sa kanyang anak. Nagpunta pa raw siya sa Maynila mula Sultan Kudarat para kumustahin kundisyon ni Melanie pero hindi rin daw niya ito nakita dahil sa ipinatutupad na protocols.

“Grabe, sobrang nanginginig talaga ang katawan ko, buong katawan ko nanginginig talaga.

“Hindi ko alam anong gagawin ko, Ma’am. Sobrang sakit po. Ni hindi ko man lang siya nakita nang personal,” aniya.

Kasunod nito, nanawagan din si Nanay Aida ng tulong para maiuwi ang labi ng anak sa kanilang probinsya, “Nanghihingi po ako ng tulong kung sino yung mabuting ano ho na tulungan yung anak ko na sana makauwi dito sa Mindanao. Kasi kahit labi na lamang niya yung makita namin po.

“Nagpapasalamat po ako sa inyong lahat na nakuha siya, pero ang pinakamasakit, andiyan na po siya sa ospital, bakit ba siya namatay agad? Hindi namin siya nakita,” sabi pa ng ina ni Melanie.

https://bandera.inquirer.net/292687/annabelle-rama-ipinagtanggol-si-jinkee-laban-sa-reporter-na-mapanira-at-mukhang-pera

https://bandera.inquirer.net/311525/xian-gaza-nanganganib-makasuhan-ng-cyber-libel-sa-pakikisawsaw-kina-skusta-clee-at-zeinab-harake
https://bandera.inquirer.net/316319/ayanna-misola-sinaniban-nga-ba-ng-ligaw-na-kaluluwa-habang-nasa-shooting-ng-ang-babaeng-nawawala-sa-sarili

Read more...