‘Kapamilya Himig Handog’ wagi sa Gold Quill Awards: Ogie, Regine may bagong pasabog

Regine Velasquez at Ogie Alcasid

WAGI ang ABS-CBN ng dalawang parangal sa 2022 Gold Quill Awards ng International Association of Business Communicators.

Ito’y para sa kanilang mga programa para sa kanilang empleyado, kasama ang kauna-unahang “Kapamilya Himig Handog” employee songwriting competition.

Nagbunga ang “Kapamilya Himig Handog” ng limang bagong kanta na nakapaloob sa “OPM Fresh Songwriters Series Vol. 1 EP” na napapakinggan na sa iba’t ibang platforms. Meron na ring pinagsamang 70,000 views ang lyric videos nito sa YouTube.

Pinuri ang “Kapamilya Himig Handog” ng mga evaluator ng Gold Quill sa matagumpay nitong pagtupad sa layunin nitong mag-diskubre ng mga bagong manunulat ng kanta mula sa mga empleyado mismo ng ABS-CBN, at bigyan sila ng pagkakataong maipakinig sa mundo ang kanilang musika.

Panalo ang patimpalak na ito, na hango sa kilalang nationwide songwriting contest na “Himig Handog,” sa primerong awards program ng IABC, kung saan nagwagi rin ng ang COVID-19 awareness campaign ng ABS-CBN para sa Kapamilya employees.

Samantala, makatulong sa pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa organisasyon naman ang hangarin ng “Act As If You Have the Virus” campaign ng ABS-CBN, na kinilala naman sa mahusay na pagpapaalala sa mga empleyado na sumunod sa safety protocols at mag-ingat sa panahon ng pandemya.

Ginanap sa New York City, USA ang 2022 Gold Quill Awards, na apat na dekada nang nagbibigay ng pagkilala sa kahusayan sa komunikasyon sa buong mundo. Umabot sa 406 entries mula sa 16 na bansa ang kasali ngayong taon, kung saan 125 lamang ang tatanggap ng parangal.

Nakuha ng ABS-CBN ang dalawa sa pitong Gold Quill Awards na napalunan ng Pilipinas ngayong taon.

* * *

May bagong love ballad ang OPM singer-songwriter si Ogie Alcasid na pinamagatang “Huwag Mo Kong Iwan” na kanyang kolaborasyon sa Filipino-American music producer na si Troy Laureta.

Ang legendary songwriter at “It’s Showtime” host mismo ang sumulat ng kanta na inareglo at pinrodyus naman ng U.S.-based musical director na si Troy.

Nangyari ang kanilang exciting collaboration kamakailan habang nasa Amerika si Ogie para sa kanyang concert tour.


Tungkol ang “Huwag Mo Kong Iwan” sa damdamin ng isang tao na iiwan na ng kanyang pinakamamahal at pinakainaasahang tao. Nagsisilbi rin itong apela na iligtas siya sa matinding pananabik at kalungkutan.

Sinusundan ng pinakabagong Star Music release ang kantang “I L Y” na proyekto ni Ogie kasama ang Songbird na si Regine Velasquez-Alcasid at “It’s Showtime” resident sound designer na si DJ M.O.D. na inilabas noong Abril.

Bago naman ang kolaborasyon na ito, nakipagsanib-pwersa din si Troy sa Star Music para sa kanyang “Giliw” album na isang compilation ng OPM ballads na binigyan ng bagong-buhay ng mga tanyag na mang-aawit mula sa iba’t ibang bansa.

Isa sa album tracks nito ang “Araw Gabi” na pinerform ng American artist na si Loren Allred na may lyric video na umani na ng 1 million views sa YouTube.

Namnamin ang damdamin ng nasasaktan sa kantang “Huwag Mo Kong Iwan” na napapakinggan na ngayon sa iba’t ibang digital streaming platforms.

https://bandera.inquirer.net/280458/kz-hindi-na-inaatake-ng-pressure-sa-himig-handog-nagtatalon-nang-manalo-ang-marupok

https://bandera.inquirer.net/279832/andre-paras-pasok-na-sa-pba-gusto-ko-talagang-mag-basketball-kaya-im-chasing-my-dreams
https://bandera.inquirer.net/280453/idol-ph-champ-zephanie-walang-bonggang-debut-party-pero-nakatanggap-ng-b-day-pasabog

Read more...