Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
7:15 p.m. Talk ‘N Text vs. Barangay Ginebra
MAGKIKITA sa isang sudden-death match ang Talk ‘N Text at Barangay Ginebra San Miguel para sa huling quarterfinals berth ng 2013 PBA Governors Cup mamayang alas-7:15 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Nakaiwas sa maagang elimination ang Tropang Texters nang talunin nila ang Gin Kings, 113-99, sa pagtatapos ng maikling nine-game elimination round noong Linggo.
Bunga nito’y nagtabla ang Talk ‘N Text at Barangay Ginebra kasama ng Air21 sa ikawalong puwesto sa kartang 3-6. Subalit dahil sa mas mababang quotient ay nagbakasyon na ang Express samantalang paglalabanan ng Gin Kins at Tropang Texters ang karapatang makaharap sa quarterfinals ang Petron Blaze na siyang naging top team sa elims sa record na 8-1.
Magsisimula ang quarterfinals bukas sa Big Dome kung saan magtatagpo ang Meralco at Barako Bull sa ganap na alas-5:15 ng hapon at ang SanMig Coffee at Alaska Milk sa ganap na alas-7:30.
Sa Huwebes ay lilipat ang mga laro sa Mall of Asia Arena sa Pasay City kung saan magkikita ang Rain Or Shine at Global Port at makakatunggali ng Petron ang magwawagi sa laban ng TNT at GSM.
Gaya ng Petron, ang Meralco, SanMig Coffee at Rain Or Shine ay may twice-to-beat advantage sa quarterfinals. Kahapon sana gaganapin ang laro sa pagitan ng Tropang Texters at Gin Kings subalit ito’y ipinagpaliban bunga ng malakas na ulan at pagbaha na pumilay sa Metro Manila.
Sa tagumpay kontra Gin Kings noong Linggo, ang Talk ‘N Text ay nagkaroon ng balanseng opensiba kung saan anim na manlalaro ang nagtapos na may double figures sa scoring.
Sila’y pinangunahan ng bagong import na si Courtney Fells na nagtala ng 26 puntos. Si Fells ay humalili kay Tony Mitchell at nagpugay kontra Rain Or Shine noong Miyerkules kung kailan natalo ang Talk ‘N Text, 104-102.
Nakatulong ni Fells sina Harvey Carey na nagtala ng 18 puntos, Ali Peek (16), Jimmy Alapag (15), Larry Fonacier (12) at Jayson Castro (11).
Ang Gin Kings ay nakakuha ng game-high 31 puntos buhat sa import na si Dior Lowhorn subalit kinapos siya ng suporta buhat sa locals dahil dalawa lang ang nag-ambag ng double figures.
Ang reinging Most Valuable Player na si Mark Caguioa ay nagtala ng 29 puntos at nagdagdag naman ng 18 si LA Tenorio.
( Photo credit to INS )