HINDI binibitiwan, kinapapaguran o tinatalikdan ang paghahanap ng kapayapaan. Gayunman, ang pagkamit sa tunay na kapayapaan ay may pasubali sa pasimula pa lamang. Hindi maaaring walang kundisyon, walang sukatan, batayan, at walang hangganan.
Laging may pinagbabatayan ang kapayapaan na isinusulong ng dalawang panig. Hindi kasinungalingan ang sabihin ng panig ng Moro National Liberation Front na may malaking pagkukulang ang gobyerno sa pagsasakatuparan ng Final Peace Agreement na nilagdaan noong 1996 sa pagitan nila at ng pamahalaan. Pero, dapat may karugtong ang salitang iyon ng MNLF. Dapat: “Kami man sa MNLF ay may pagkukulang din, ako bilang Founding Chairman ng MNLF ay may pagkukulang din.” Pero maririnig pa ba iyon kay Nur Misuari?
Maraming dapat i-account si Misuari hinggil sa Final Peace Agreement na ito. By accounting, I am not even referring to the alleged misuse of funds during his term as governor of the Autonomous Region in Muslim Mindanao. What I allude to is the accountability of the highest level of integrity befitting the highest respect, obedience and loyalty accorded to him by some of the fiercest field combatants from the MNLF.
At the very least, Misuari’s loyal followers deserved to be told the truth…the entire truth.
Naalala ko si Lakandula, Salip Abdullah ang kanyang tunay na pangalan. Isa siya sa mga commander ng MNLF Renegade Group noong 2002 na humarang at dumukot sa akin at dinala ako sa isang paglalakbay sa loob ng 98 araw sa iba’t ibang panig ng lalawigan ng Sulu.
Dahil bihag ako, maraming pagkakataon ang pag-uusap. Likas na sa akin ang maging palakausap, reporter kasi, kaya palatanong. Marami akong nalaman – iba’t ibang kwento ng karahasan, sagupaan, at akto ng terorismo at kriminalidad sa ilang bahagi ng Muslim Mindanao.
Personal security ni Misuari si Lakandula. Kilala rin siya sa tawag na Jipon. Hindi ko malilimutan ang gabing ako’y dinukot nila, kinuha pa ang mga gamit ko kabilang ang suot kong damit, at saka pinagbihis ng iba. Si Jipon ang ang isa mga unang nagtakip ng kanyang mukha sa takot na makilala ko siya.
Matandain ako sa mukha, sa boses, sa pangalan, at sa mga pagkakataon. Naaalala ko ang mga mukha nila, silang mga dating MNLF na naging integrees at naging bahagi pa ng Tabak Division ng Philippine Army, ngunit mga Tausug. Hayun, natukoy ko nga kung sino sila at nasabi pa ang pangalan ng opisyal nila na tinanong ko pa kung alam ng opisyal na iyon kung ano ang ginagawa nila sa akin.
Doon ako unang nasaktan. Nagmaganda kasi, galing-galing, tama ba namang tukuyin ang pangalan ng mga dumudukot sa kanya at ng amo nila? Ayun nasaktan, pero ibang kuwento yun.
Balik kay Lakandula. Umusad ang mga araw, nalimutan din niyang magtakip ng bonnet sa kanyang mukha at nakilala ko siya at alam niya sa tingin ko na nakilala ko siya. Nakaramdam ng pagkapahiya. Palihim siyang nanghingi ng tawad sa akin kung bakit nila ako kinuha, alam naman daw niyang reporter lang ako at hindi naman kaaway ng MNLF at nakakaunawa daw sa tunay na kalagayan ng mga Moro, sabi niya iyon.
Sa loob ng 98-araw sa piling nila, palipat-lipat ng lugar, naging malinaw sa akin kung paanong si Misuari ay kanilang labis na hinahangaan, pinangingilagan, iginagalang at kinatatakutan pa nga bilang isa nilang nakatatanda, bilang isa nilang magulang, ama, bilang kanilang si Ma-as.
Ngunit naging malinaw din sa akin ang kanilang pagkamuhi sa kung ano ang kinalabasan ng Kasunduan Pangkapayapaan.
Ang nangyayari ngayon sa Zamboanga City ay nangyari na noong 2002. Inulit nila ito ngayon dahil mas may pinaghuhugutan sila ng lakas ng loob na ang tingin ko ay maaaring bunga ng pagbabangong puri ni Misuari sa kanilang hanay.
Nagbalik si Misuari sa kanila bilang isang mandirigmang nanatili ang alab ng kabataan. Tila nalimutan nila ang sinabi sa akin noon ni Lakandula na “pinagtaksilan sila ni Maas”, “Nilamon din ng sistema si Maas”, “iba ang ginawa ng poder ng kapangyarihan kay Maas.”
Muli sila’y ibinalik ni Misuari sa yugto ng pagsisimula ng kanilang batayang pag-aaklas para sa minimithing kasarinlan. (May karugtong)
Para sa komento, reaksyon o tanong, i-text ang OFFCAM, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374