SULIT na sulit ang lahat ng sakripisyo at mga pinagdaanan ni Maricris Colipano dahil nakamit na niya ang matagal na niyang pangarap.
Siya lang naman ang hinirang na Top 1 sa nagdaang March 2022 Licensure Examination for Teachers (LET) elementary level at nakakuha ng 92.40 percent rating.
Si Maricris ay mula sa Brgy. Upper Natimao-an, Carmen, Cebu at nag-aral sa Cebu Technological University (CTU) Carmen campus.
Talaga namang kapupulutan ng aral at inspirasyon ang kwento ng buhay ng dalaga dahil sa kanyang mga naging karanasan.
Isang Barangay Health Worker ang kanyang ina samantalang ang ama naman niya ay isang magsasaka.
Dahil na rin sa hirap ng buhay ay hindi agad nakapag-aral ng kolehiyo nang magtapos siya ng high school.
Upang makaipon ng kanyang pampa-aral at makatulong sa pamilya ay nagtrabaho bilang yaya si Maricris at nang mag-18 ay pumasok naman siya sa isang kumpanya sa Danao City.
Taong 2016 nang mag-enroll si Maricris at nagtapos siya bilang cum laude.
Hindi naman siya makapaniwala nang malaman niyag siya ang nanguna sa mga nakapasa bilang mga bagong guro.
Ayon sa kwento niya sa Cebu Daily News, nalaman niya ang magandang balita sa kanyang nakababatang kapatid.
““Ako gud dili man gud ko hilig anang Facebook ba, so wala gyud ko kabaw nga niadtong Biyernes ang resulta. Nag-online man akong manghod nya gi-chattan man siya sa akong classmate. (Hindi ako ma-Facebook na tao kaya hindi ko alam na lumabas na ang resulta noong Biyernes. Nag-online ang kapatid ko at nalaman namin ang resulta dahil nag-message sa kanya ang isang classmate ko),” saad ni Maricris.
Ang buong akala niya ay May 9 pa ang labas ng resulta kaya hindi siya agad naniwala.
Tuluyan lang siyang naniwala nang i-post ng kapatid niya ang resulta mula sa website ng Philippine Regulation Commission (PRC).
Marami ang mga job offers na natatanggap ngayon ni Maricris mula sa kanyang eskwelahan maging sa review center kung saan siya nag-enroll.
Makakatanggap rin ng monetary reward ang dalaga mula sa kanyang eskwelahan dahil sa pagiging topnotcher sa nagdaang LET.
isa sa mga goals niya ay ang magturo sa public school at habang hindi pa siya employed ay kasalukuyan siyang voluntary teacher.
“Ako sad gyung pangandoy kung makapasar ko nga mag-volunteer teacher bitaw. Kay nakasuway man ko ug ingon ana sir pag-fourth year nako ba. (Ang gusto ko pag nakapasa ako ay maging isang volunteer teacher kasi nagawa ko iyan noong fourth year ko sa pag-aaral.)
“Nindot baya pod sa feeling nga makatabang sa mga bata ba nga dili kaayo ganahan mo-eskwela. (Masarap po sa pakiramdam na makatulong sa mga bata na walang interes pumasok sa paaralan.)”
Related Chika:
Clarita Carlos binatikos matapos magkomento sa Bar exam passers: We need more scientists, engineers, doctors, not more lawyers!