Rufa Mae all-around wifey at mommy sa US: Wala kaming yaya, ako ang naglilinis ng bahay, naggo-grocery, nagluluto, lahat!

Rufa Mae Quinto, Trevor Magallanes at Athena

WALANG pinagsisisihan ang veteran comedienne na si Rufa Mae Quinto sa halos dalawang taong paninirahan sa Amerika kasama ang kanyang asawa at nag-iisang anak.

In fairness, kahit daw napakahirap ng pinagdaanan niya sa US noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic, napakarami naman niyang natutunan at napatunayan bilang wife and mother.

Sa isang panayam, naibahagi ng komedyana ang ilang kaganapan noong nasa Amerika pa siya at kung paano niya ginampanan ang pagiging nanay ni Athena at ang pagiging misis kay Trevor Magallanes.

Chika ni Rufa Mae, talagang siya lamang ang gumagawa ng lahat sa kanilang bahay dahil wala siyang yaya at dito nga siya natutong maging independent.

Siya ang nagluluto, naggo-grocery, naglilinis ng bahay at nag-aasikaso sa lahat ng pangangailangan ni Athena.


“Natuto akong maipakita sa anak ko ang normal na buhay. Kung paano magluto, ‘yung talagang naglilinis, at ‘yung kanyang first formative years ay nandoon ako na hands-on sa kanya,” pahayag ni Rufa Mae.

Nu’ng una raw ay talagang super hirap para sa kanya ang mga adjustment pero nang tumagal na at paulit-ulit na niyang ginagawa ay nasanay na rin siya.

Kaya nang ipaalam na niya kay Athena na magbabalik na siya sa showbiz para magtrabaho ay hindi na siya nahirapan dahil nakaiintindi na raw ito ngayon.

“Madali nang kausapin. Kumbaga puwede na akong maging busy kasi kaka-five niya lang noong February. Nakatapos na siya ng toddler.

“Naipakita ko na sa kanya ‘yung normal na buhay — grocery, magtrabaho, kakain, nag-drive ako, hinatid-sundo ko siya sa school.

“Kumbaga talagang nagampanan ko kasi naging hands-on ako, walang yaya, wala lahat. ‘Yun ‘yung pinakamagandang nagawa ko. But of course palagi pa rin akong hands-on,” sey pa ng Kapuso star.

Samantala, para sa mga naka-miss kay Rufa Mae, abangan ang bago niyang comedy show sa GTV, ang “TOLS” kung saan makakasama niya ang mga promising Kapuso young actors na sina Kelvin Miranda, Andul Raman at Shaun Salvador.

Magsisimula na ito sa GTV simula sa June 25, 7 p.m..

Rufa Mae sa epekto ng pandemya: Parang naging horror film ang buhay!

Rufa Mae: Gustung-gusto ko rin naman sa US pero wala akong kausap du’n, nosebleed na nosebleed ako everyday!

Rufa Mae ibinuking si Robin nang makasama sa shooting: Grabe siya! Uubusin ang pera niya para sa bayan!

Read more...