NAG-EMOTE ang OPM singer at TV host na si Richard Reynoso tungkol sa sunud-sunod na concert ng mga foreign artists sa Pilipinas sa mga darating na buwan.
Sa kanyang Facebook account, naglabas ng saloobin ang OPM hitmaker kalakip ang screenshot ng isang news item mula sa “TV Patrol” ng ABS-CBN kung saan inisa-isa nga ang mga international artists na magpe-perform sa bansa.
Ibinahagi ni Richard ang kanyang mensahe sa publiko nitong nagdaang Martes, June 14, kasabay ng panawagan na sana’y makarating ito sa mga kinauukulan.
Narito ang kabuuan ng FB status ng veteran singer.
“Halehalehoy mga kabayan!
“Mabuti pa ang mga ‘foreign acts’, kaliwa’t kanan ang pagtatanghal dito sa atin at sa mga naglalakihang venues pa. Samantalang ang karamihan sa ating mga kababayan, swerte nang makahanap ng ’gig’ para may maipakain sa kanilang pamilya,” simulang pagbabahagi ni Richard.
Pagpapatuloy pa niya, “Paano nga naman hindi magpupuntahan dito ang mga dayuhang ‘performers’, napakalaki ng kinikita nila dito sa atin.
“Samantalang kung tayo ang magpeperform du’n, kailangang magbayad ng sangkatutak na requirements ang producer kasama na dun ang Artists Equity.
“Dito, ang babayaran lang nila sa Artist Equity ay ₱5,000 per foreign artist.
“Kahit na 20 miyembro pa nila ang dumating dito, sa mahal ng benta ng ticket nila, marahil 3-4 na tickets lang ang mabenta nila, bawi na nila yun dahil talagang napakababa lang,” aniya pa.
Panawagan pa ng beteranong Pinoy performer, “Kung magagawa lang na kahit 1% lang ng gross profit nila ang makuha para sa equity, malaki na ang maitutulong nun sa benepisyo (health at funeral) ng mga Artists natin sa dami ng mga dumarating.
“Maganda din sanang magkaisa ang mga kasamahan sa industriya para mabago itong maling sistema,” lahad pa ng OPM singer.
Ngunit mariin niyang sinabi na hindi lang para sa sarili ang kanyang mga hugot sa pagdagsa ng foreign artists sa concert scene sa bansa kundi para sa kapakanan ng local music industry.
“Paglilinaw lamang po ha? This concern is not about me or our group, The OPM Hitmen. Huwag po sana nating kalilimutan ang mga kasamahan na nabubuhay sa mga puwesto o gigs na nawalan ng trabaho nung lockdown.
“Paano naman po sila? Yung mga iba pa dun me mga iniindang sakit. Sila po yung mga recipients ng fundraising events tulad ng Sing Out By The South nung pandemiya na hanggang ngayon ay walang natatanggap na benepisyo.
“Baka kung i-SHARE baka makarating sa kinauukulan at baka matulungan ang industriyang kinakalampag para tumulong sa paghakot sa madla para makinig sa kanilang talumpati…. baka lang…. sana,” sabi pa ni Richard.
Gumamit pa siya ng mga hashtag na #protektahanAngSarilingAtin, #paanoNamanAngPinoyArtists at #SanaPansininNgKinauukulan.
Ilan sa mga banyagang concert artist na nakatakdang mag-perform sa Pilipinas ay ang Red Velvet, All Time Low, The Script, Avril Lavigne, LANY at Alanis Morissette.
Ngayon pa lang ay soldout na ang February, 2023 (dalawang araw) concert ng Westlife na gaganapin sa Araneta Coliseum.
Abangers at umaasa naman ang mga Pinoy fans kung matutuloy o tuluyan nang makakansela ang Oct. 29 concert ni Justin Bieber sa CCP Open Grounds.
https://bandera.inquirer.net/283230/ilang-dayuhan-pinayagan-nang-makapasok-sa-pilipinas
https://bandera.inquirer.net/295737/nadine-hayagang-binabastos-ng-mga-haters-matapos-ilantad-ang-dyowang-foreigner
https://bandera.inquirer.net/283465/sigaw-ni-andrea-torres-may-himala