KINORONAHANG Miss World Philippines 2022 si Gwendolyne Fourniol ng Negros Occidental sa katatapos lang na grand coronation night ng pageant sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Siya ang papalit sa trono ni Tracy Maureen Perez na siyang magiging official representative ng Pilipinas sa gaganaping 71st edition ng Miss World pageant.
Tinalo ni Gwendolyne ang 35 iba pang kandidata mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Talagang nagpakitang-gilas ang dalaga sa pagrampa at pagsagot sa question and answer portion ng pageant.
Siya na ngayon ang maaatasang lumaban sa Miss World 2022 para maiuwi ang titulo at korona na naging mailap na naman sa bansa nitong nagdaang siyam na taon.
Ang Kapuso actress na si Megan Young ang una at kaisa-isang Filipina na nakapag-uwi ng Miss World crown noong 2013 na itinuturing na longest-running international beauty pageant in the world.
Ang iba pang bagong reyna na kinoronahan sa Miss World Philippines 2022 pageant ay sina Miss Supranational Philippines 2022 Alison Black ng Las Piñas City; Miss Eco Philippines 2022 Ashley Montenegro ng Parañaque; Miss Reina Hispanoamericana Filipinas Ingid Santamaria ng Makati; at Miss Eco Teen Philippines Beatriz Mclelland ng Aklan.
Waging Miss World Tourism 2022 (1st Princess) si Justine Felizarta ng Marikina at Miss World Philippines Charity 2022 (2nd Princess) naman si Casandra Chan ng San Juan City.
Siguradong ngayon pa lang ay ramdam na ng mga itinanghal na Miss World Philippines 2022 titleholders ang pressure sa pagsabak nila sa kanilang respective international competitions.
Matatandaang nakapasok sa Top 10 si Tracy Perez ng Miss World 2021 pageant, habang naiuwi naman ni Kathleen Paton ang second Miss Eco International crown sa bansa.
Pareho namang 1st Runner-up sina Tatyana Austria at Michelle Arceo sa Miss Eco Teen International at Miss Environment International pageants, respectively.
Itinanghal naman si Emmanualle Vera bilang Tercera Finalista (third runner-up) sa Reina Hispanoamericana pageant at umabot naman sa Top 12 si Dindi Pajares ng Miss Supranational 2021 competition.
Nagsilbi namang hosts ng pageant ang tatlong former titleholders ng Miss World Philippines, sina Valerie Weigmann (Top 25 ng 2014 Miss World), Laura Lehmann (Top 40 ng 2017 Miss World), at Katarina Rodriguez (2018 Miss World Philippines).
Ilan naman sa mga umupong judge ay sina Harold Geronimo, David Licauco, Angelina Cruz, Thia Thomalla, Winwyn Marquez, Cleofe Elbizo, Danilyn Verra, JB Saliva at Evangeline Pascual.
In fairness, may mga kandidata rin ang Pilipinas na maituturing na first winners sa iba’t ibang international competitions tulad nina 2017 Reina Hispanoamericana Teresita Ssen “Winwyn” Marquez, 2018 Miss Multinational Sophia Senoron, 2018 Miss Eco International Cynthia Thomalla, at 2020 Miss Eco Teen International Roberta Ann Tamondong.
https://bandera.inquirer.net/315159/miss-world-ph-2022-candidates-gwendolyne-fourniol-ashley-montenegro-matunog-sa-global-pageant-observers
https://bandera.inquirer.net/315163/mga-kandidatang-mula-sa-cebu-bulacan-san-juan-iloilo-at-roxas-city-pasok-sa-top-20-ng-miss-world-ph-2022