MATINDI rin pala ang pinagdaanan sa buhay ng controversial social media personality na si Toni Fowler bago niya naabot ang inaasam na tagumpay.
Maraming rebelasyon ang vlogger at socmed influencer nang makachikahan niya ang TV host-actress na si Toni Gonzaga na mapapanood sa kanyang YouTube channel na “Toni Talks”.
Isa na nga rito ang makulay at masalimuot niyang lovelife noong kabataan niya, idagdag pa ang pagbabalik-tanaw niya noong panahong nangangarap pa siyang maging artista isang dekada na ang nakararaan.
“Pangarap ko talaga noon maging sikat na dancer. Nung una gusto ko din talaga maging artista eh. Parang lahat ng bata yan yung pangarap,” simulang kuwento ni Toni Fowler.
“Mula noon, mula nu’ng bata ako hanggang sa tumanda ako, lagi akong nagpa-practice na may nag-i-interview sa akin. Grade three ako naglalagay ako ng pulbos tapos kunwari ini-interview ako. Kasi gusto ko talaga sumikat. Gusto kong makilala,” patuloy niyang chika.
Inalala niya ang unang pagkikita nila ni Toni Gonzaga noong 2009 kung saan rumaraket siya bilang isa sa mga dancers ng “It’s Showtime.”
“Back up dancer ako nu’n sa Showtime tapos nakita ko siya. Siyempre magkapangalan kami, Toni, ganu’n. Tapos pagkakita ko sa kanya backstage, lumapit ako sa kanya sabi ko, ‘Miss Toni!’
“Tahimik lang siya. Sabi ko, ‘Ang sungit naman nito! Ang sungit pala nito.’ Para bang masaya lang siya tingnan sa TV pero hindi siya happy kid, ganu’n.
“Pero nu’ng medyo nakilala ako, naintindihan ko na. Pag may ginagawa ka, minsan may kausap ka pa tapos mag-pe-perform ka or kakanta ka or sasayaw ka tapos may mga makukulit. Naintindihan ko na. Akala ko masungit si Ms. Toni pero mali pala ako. Pasensya na judgmental ako, 19 pa lang ako nu’n, eh,” natatawang sabi pa ni Toni.
Chika pa niya, “After high school, wala nang pampaaral kaya paano ba? Kaya nag-try ako mag-call center. Eh, bobo di ba? Ha-hahaha! Bale yung tatay ko mambubudol. Sampu ang pinakasalan ng tatay ko at 30 kaming magkakapatid sa kanya.
“Hindi lang ako ma-open sa part ko na yun kasi yung family ko hindi sila support sa akin, eh. Ang mommy ko nasa ibang bansa. Nagkatulong siya, nag-janitor. OFW yung mommy ko. So ngayon nandu’n pa rin siya. Kaya talagang nag-iipon ako para mapauwi ko siya. Pero ayaw pa niya umuwi eh,” paglalahad pa niya.
Sa “Showtime” din daw niya nakilala ang tatay ng anak niyang si Tyronia.
“Contestant siya eh, so sumasayaw. Sabi ko, ‘Uy parang ang pogi neto ah.’ Ganu’n yung mga eksena namin. So ayun, nagkuhaan kami ng numbers sa backstage tapos yun na, text-text kami. Kilig, kilig, ganyan. Hanggang sa nag-meet kami. Nabuntis ako after six months,” sey ni Toni.
Dito na niya inamin na sinabihan siya ng isa niyang kapamilya na ipaglaglag ang ipinagbubuntis niya.
“Ipalaglag mo yan kasi hindi ka makakatulong sa pamilya. Kapag nagkaanak ka na, diyan na iikot ang mundo mo. Lahat na ng iipunin mong pera, pagtatrabahuan mo mapupunta na diyan.
“Nu’ng panahon na yun wala eh, lahat kami mahirap. Walang breadwinner, walang may trabaho. Eh, yung tita ko na yun OFW, so medyo may kaya. Sabi niya, ‘Pag-aralin kita.’
“Sa isip, isip ko, puwede mo pala ako pag-aralin eh, eh di sana nag-aral ko hindi ako nagtatrabaho, hindi ako nakibahay sa pamilya ng iba, hindi ako nabuntis.
“So nu’ng sinabi niya na ipalaglag ko, sabi ko ayoko. Iyak ako nang iyak. Nag-usap kami 7 p.m., parang hanggang 7 a.m. iyak pa rin ako nang iyak. Sabi niya, ‘So hindi mo ipapalaglag yan?’ Sabi ko, ‘Hindi po. Uuwi na lang ako sa boyfriend ko.’
“Eh, wala akong pera kasi sinundo lang ako ng ate ko. Bulacan yun eh yung boyfriend ko Laguna. Alam mo binigyan niya ako ng tig-iisang daan. May tigbebente pa yan na 500 pesos. Sabi niya, ‘O yan. Huwag kang babalik dito at hihingi ng pangbili ng saging ng unggoy mo ah.’
“Iyak ako nang iyak. Umiiyak ako sa bus tapos buntis ako. Two months pa lang yung tiyan ko nu’n pero emotional na ako.
“Tapos lahat sila itinakwil nila ako. Iniisip nila na mas mahal ko yung lalaki kaya itutuloy ko yung bata. Ngayon, nu’ng tumagal, yung mommy ko sabi niya, ‘O kailan pa kayo magkakapatawaran? Pag nanganak na si Toni?’
“Kaya nu’ng mga six months na ako, ate ko na mismo lumapit sa akin. ‘Kapatid hindi kita matiis. Kahit yun yung sinasabi nila, mahal kita.’ Sabi niya, ‘Hayaan mo akong suportahan ka, tulungan ka.’ So naging okay din kami ng ate ko,” pag-alala pa ni Toni sa kanyang past.
Kuwento pa niya tungkol sa naging pagsasama nila ng ama ng kanyang baby, “After kong manganak, dahil ang bata namin, naramdaman ko yung may anak ka na tapos may isa ka pang anak. Kasi nga hindi kami handa, eh.
“So ako lang yung nagtatrabaho. Parang napapagod na ako na dalawa silang iniintindi ko. Bata pa kami kaya hindi kami nagkasundo. Nag-aaway kami sa simpleng pagkain, wala kaming pagkain, papano yung ganito, papano yung gatas, paano lahat.
“Two months, three months bumalik agad ako sa pagsasayaw. Parang feeling ko nabinat ako, eh. Ganun yung pakiramdam ko. Parang laging mainit yung ulo ko,” pahayag pa ng vlogger.
Sa ngayon daw ay magkasundo na sila ng tatay ng kanyang anak at meron na rin daw itong asawa at dalawang anak.
https://bandera.inquirer.net/312572/toni-fowler-dinibdiban-si-alex-gonzaga-ibinunyag-ang-kandidatong-sinusuportahan
https://bandera.inquirer.net/284464/kilalang-vlogger-50-iba-pa-natiketan-matapos-lumabag-sa-health-protocols
https://bandera.inquirer.net/296018/alex-aminadong-nasasaktan-pa-rin-sa-nangyari-naniniwalang-may-plano-ang-diyos-sa-kanilang-mag-asawa