Cardiopulmonary arrest ang ikinamatay ni Susan Roces, sey ni Grace Poe: At sa tingin ko talagang nangulila na siya sa tatay ko…

Grace Poe at Susan Roces

“HANDA na rin po kami, pero siyempre kami po ay nagluluksa,” ang bahagi ng pahayag ni Sen. Grace Poe patungkol sa pagpanaw ng kanyang inang si Susan Roces.

Nagkuwento ang senadora tungkol sa mga huling araw ng award-winning veteran actress bago pumanaw nitong Biyernes, May 20, 2022 sa edad na 80.

Taos-puso muna siyang nagpasalamat sa lahat ng mga nakiramay sa kanilang pamilya, mula sa mga fans hanggang sa mga nakatrabaho ng kanyang ina na itinuturing nang icon sa mundo ng telebisyon at pelikula.

Nakapanayam ng mga miyembro ng media si Sen. Grace sa unang gabi ng lamay para sa movie icon sa Heritage Memorial Park sa Taguig City

“Unang-una po, ang aming pamilya ay taos-pusong nagpapasalamat sa napakaraming nakiramay at nakidalamhati sa amin.

“Alam niyo, naiintindihan ko, marami talaga ang nagsabi na nabigla sila. Siyempre, hindi naman tayo magsasabi na kami rin hindi nabigla.

“Nabigla rin kami, pero kapag inisip namin ang kanyang mga gawain sa mga nakaraang buwan at linggo, inihanda na niya kami talaga,” aniya pa.

Tungkol naman sa ilang detalye ng pagpanaw ni Susan Roces, “Alam niyo, ang aking nanay ay nasa edad na rin, 80 years old na siya. Ang kanyang ikinamatay, ito yung sinabi ng doktor, cardiopulmonary arrest.

“Ibig sabihin, bumigay po ang kanyang puso. Maraming dahilan iyan, dahil marami na ring mga naging kumplikasyon sa kanya.

“Pero hindi kasi siya dumadaing masyado. Kilala ko yung aking nanay. Itinatago niyang mabuti kung anuman ang nararamdaman niya, ayaw niyang maging pabigat sa iba.

“Pero alam niyo, ngayong nag-pandemic tayo, hindi siya masyadong nakapag-taping, hindi siya masyadong lumabas kaya nagkaroon siya ng maraming oras na magmuni-muni.


“At sa tingin ko, talagang nangulila na siya sa tatay ko. Matagal na rin, 2004. Siguro walang buwan na nakalipas o madalas kapag nag-uusap kami, siya pa rin ang pinag-uusapan namin,” pahayag ng senadora.

Ang tinutukoy ni Sen. Grace ay ang namayapa niyang ama, ang King of Philippine Movies na si Fernando Poe Jr. na pumanaw naman noong Dec. 14, 2004.

Pagpapatuloy pa niya, “Pero alam niya na gusto niyang ihanda na kami, ilagay kami sa maayos. Halos dalawang dekada na rin ang nakalipas.

“Si FPJ siguro sabi niya, tama na siguro yun. Siyempre malungkot kami, pero pag inisip namin wala nang sakit, wala nang hirap, at higit sa lahat, kasama na niya ang mga magulang niya at saka ang tatay ko, yun talaga ang true love niya, e. So yun.

“Imagine na lang natin na yun ang kanyang dinadatnan ngayon, 80 years old na siya, marami na siyang natulungan, marami na siyang nagawa sa buhay niya.

“So, sabi namin, mabuti na ring nakapagpahinga siya dahil 14 na taong gulang pa lang siya, nagtatrabaho na siya,” sey pa niya.

Natanong din si Sen. Grace kung may kakaiba ba silang nakitang kakaiba sa aktres bago ito mamaalam.

“The past two weeks, meron nang kakaiba, kasi alam mo iyang nanay ko, mabilis iyan pag may mga balita, lalo na sa mundo ng pulitika kung saan ako ay nakikipagtunggali minsan.

“Siya yung unang tumatawag sa akin at sasabihin niya, ‘O, ano nang balita, ano na yung magiging desisyon mo?’ O kaya, ‘Bakit ganu’n ang isinagot mo? Dapat ito ang sinabi mo,’ at saka kung ano na ang kuwento sa mga apo niya.

“Kami yung phone pals, so halos every other day o araw-araw, nag-uusap kami. Pero noong nakaraang dalawang linggo, kasi kapag nag-uusap kami, minsan isang oras o isang oras at kalahati ang average niyan, parang mga sampung minuto lang, sinasabi niya, ‘Sige na, sige na,’ at parang nahahapo siya.

“Doon na namin talaga napagdesisyunan ng aking mga pinsan na mukhang meron nang iba dito kasi hindi na rin siya makakain. Ayaw na rin niyang kumain,” aniya pa.

Ayon pa sa public servant, may mga bilin din sa kanya ang namayapang ina, “Nu’ng dinala namin sa ospital, ang ipinagbibilin niya palagi, yung mga apo niya na kailangan daw dalhin namin sa Baguio yung mga bata.

“Tapos ang bahay daw ng papa ko doon, ayusin ko raw para yung mga bata puwede daw magbakasyon doon. Yun ang mga naiisip niya,” sabi pa niya.

Mensahe pa niya, “Ang masasabi ko lang po, kahit na po nagkaroon siya ng sakit, hindi naman po siya nawalan ng makakasama, nandun po ang kanyang mga mahal sa buhay.

“At siya naman po, lahat naman po ng mga pinangarap niya ay nakamtan na niya, at lahat ng mga nais niyang tulungan, natulungan niya. Handa na rin po kami, pero siyempre kami po ay nagluluksa.

“Kung makikita niyo po siya ngayon, matutuwa rin kayo sapagkat kung gaano siya kaganda, ganu’n pa rin si Lola Flora (ang character ng aktres sa Ang Probinsyano), ganu’n pa rin ang aking nanay kaya ako ay kahit papa’no ay nabibigyan ng kasiguruhan na okay naman siya,” sabi pa ni Grace Poe.

Sa ngayon, wala pang final decision ang pamilya Poe kung itatabi ang labi ni Susan Roces sa puntod ni FPJ sa North Cemetery.

https://bandera.inquirer.net/313918/lovi-poe-nagpaabot-ng-pakikiramay-sa-pagkamatay-ni-susan-roces

https://bandera.inquirer.net/313858/susan-roces-pumanaw-na-buong-showbiz-industry-nagluluksa

https://bandera.inquirer.net/313982/erap-ate-vi-maricel-lorna-ai-ai-wasak-ang-puso-dahil-sa-pagpanaw-ni-susan-roces-maraming-salamat-we-will-miss-you

Read more...