Hugot ni Madam Inutz: Wala akong mai-share na magandang memories about sa pagkabata ko dahil…

Madam Inutz

WALANG maibahaging masaya at makulay na alaala ng kanyang kabataan sa madlang pipol ang viral online seller at komedyanang si Madam Inutz.

Ito ang kanyang inamin sa muling pagbabalik sa Bahay ni Kuya bilang celebrity housemate para sa second chance na ibinigay ni Big Brother sa kanila ni Brenda Mage para sa pagkakataong makapasok sa BigaTen ng “PBB” season 10.

Ayon kay Madam Inutz o Daisy Lopez sa totoong buhay, wala nga raw siyang naitagong litrato noong bata pa siya dahil salat na salat sila sa buhay. Wala raw silang extra budget para sa mga luho tulad ng pagpapa-picture.

“Ako naman, bata pa lang hanapbuhay agad. Halos hindi nagkaroon si nanay ng oras para magkapagtapos kami sa pag-aaral,” simulang pagbabahagi ni Madam Inutz.

Binigyan ng pagkakataon ang mga housemates na pinabalik sa “PBB” house na balikan ang mga hindi malilimutang karanasan noong kabataan nila at isa nga si Madam Inutz sa mga nagbahagi ng kanyang saloobin.

Nang marinig ang kuwento ng mga kapwa housemates, nasambit ni Madam Inutz na naiinggit siya sa mga ito dahil ibang-iba ang naging  kabataan niya kumpara sa mga ito.

“Kung tutuusin naiinggit ako sa experience n’yo, eh. Hindi nagkaroon ng chance si Madam Inutz na isang bata talaga na-enjoy ‘yung buhay niya,” chika ng komedyana.

“Simula 5 (years old) parang napaka-matured na ng utak ko kasi talagang nagtitinda na ako. Wala akong ibang laruan kung ‘di gulong o tansan tapos wala talaga akong focus sa pag-aaral talaga.

“Focus talaga namin, pagtitinda, panchicha. Wala akong mai-share na magandang memories about sa pagkabata ko,” pahayag pa niya.


Dito nga niya nabanggit na wala siyang mahanap na litrato noong bata pa siya dahil wala silang perang panggastos para rito.

“Wala naman kasi kaming camera. Wala kaming TV, wala kaming kuryente, wala kaming tsinelas, wala kaming mga damit.

“Kahit na nais ko na may mai-share na good memories nu’ng bata ako, Kuya, wala talaga, dahil ang memory ko noong bata pa ako is hawak ko na bilao para lang tulungan si nanay,” sabi ni Daisy.

Ngunit sa kabila nito, saludo pa rin siya sa kanyang ina na ginawa rin ang lahat para mabuhay ang kanilang pamilya.

“Idol ko nanay ko. Nanay ko na nagsumikap, nagsakripisyo. Hindi man niya kami nabigyan ng may maipagmamalaking pinag-aralan pero isa lang ‘yung alam ko na alam kong proud siya,” sabi ni Madam Inutz.

“Ganito man kaming mga anak, wala kaming pinag-aralan pero nandiyan kami para tingnan siya, alagaan siya,” aniya pa.

Nang hingan ng mensahe para sa kanyang nakababatang sarili, “Sana naranasan mong maging bata. Sana naranasan mong maglaro kasama ng ibang bata.

“At sana naranasan mong mag-aral at bigyan ka ng oras ng magulang mo nung ika’y bata pa kasi mas naging importante kasi kay nanay ‘yung kumain kami,” sabi pa ni Madam Inutz.

Abot-langit naman ang pasalamat niya sa “Pinoy Big Brother” dahil sa dami ng opportunities at blessings na dumarating sa buhay niya ngayon.

“Thankful ako kasi naging malaking bahagi kayo ng buhay ko tapos paglabas ko sobrang dami nang trabaho.

“Mabibigay ko lahat ng pangangailangan ng anak ko at magulang ko. Sobrang pinagtibay talaga ng panahon kaya thank you po,” mensahe pa ng proud Kapamilya comedienne.

Makakalaban nina Madam Inutz at Brenda Mage para sa natitirang spots sa BigaTen ang dalawa pang pares ng housemates — sina Zach Guerrero at Michael Ver Comaling ng adult edition, at sina Stephanie Jordan at Maxine Trinidad ng teen edition.

Mapapanood ang “PBB” araw-araw sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z Channel 11, iWantTFC, at TFC. Mayroon din itong 24/7 livestreaming sa Kumu.
https://bandera.inquirer.net/296362/madam-inutz-pinayagang-mag-live-kahit-nasa-pbb-house-para-makatulong-sa-pamilya

https://bandera.inquirer.net/291009/madam-inutz-puno-ng-pagmamahal-sa-kabila-ng-pagmumura

https://bandera.inquirer.net/307380/madam-inutz-binastos-minaliit-ng-ex-boyfriend-sabi-niya-sa-akin-useless-ka-wala-kang-silbi

Read more...