Nadine Lustre may paalala sa sarili at netizens: Hinga, maging mabait sa iyong sarili

Nadine Lustre may paalala sa sarili at netizens: Hinga, maging mabait sa iyong sarili
ISANG tula ang ginawa ng award-winning actress at singer na si Nadine Lustre upang ipaalala sa sarili maging sa madlang pipol na huminga at magdahan-dahan sa buhay.

Ibinahagi niya ang tulang ito sa website ng The New Hue.

Saad ni Nadine, sa mata ng nakararami, isa siyang artista. Sa mga nakakakilala, isa siyang kaibigan. Sa pamilya, isang anak at kapatid. Ngunit sa tuwing titingin siya sa salamin, palaisipan sa kanya kung sino nga ba siya.

“Nasaan na nga ba tayo?
Anong petsa na?
Minsan uusad tayo, minsan aatras.
Sa dami-rami ng kaganapan, hindi na alam kung ano ang mararamdaman.

Sa mga oras na akala natin ayos na tayo, hindi pa pala.
Ang ihip ng hangin laging nag-iiba-iba,” pagbabahagi ni Nadine.

Sa naturang tula ay ibinahagi ng dalaga na sa kabila ng mga gulong nangyayari, kailangan mo ring huminga paminsan-minsan.

Narito ang kabuuan ng tula:

“Hinga.
‘Pag nararamdaman mo na masyado nang maingay. At sa paghingang ito ay bitawan mo ang pagkatakot mo sa oras.

“Madilim ang daan.
Tila nakapiring ang ating mga mata habang naglalakad, hinahayaan na lang ang mga paa. Hindi alam kung saan patungo.
Hindi alam kung saan hahantong.
Hindi ko na alam kung ano’ng gagawin.
Hindi ko na alam kung ano ang iisipin.

 

 

“Saan nga ba ako papunta?
Bakit ko ba ‘to ginagawa?
Sino ka nga ba?
Sino ako?
Sino tayo?

“Sa dami ng mga tanong ko, paulit-ulit kong inisip ang mga sagot… Hindi ito dumating noong sobrang iniisip ko ito.
Dumayo sa akin ang sagot noong hindi ko ito iniisip.
Nakakatawa talaga.
Yung mga hinahanap mo, hindi mo talaga mahahanap kung hahanapin mo. ‘Wag mong hanapin, makikita mo ito.

“Hinga.
‘Pag nararamdaman mo na masyado nang maingay. At sa paghingang ito ay bitawan mo ang pagkatakot mo sa oras.
Ang takot na pakiramdam mo ay mauubusan ka na. Wala namang humahabol sa ‘yo.
‘Wag mo rin pilitin ang sarili mo sa mga bagay-bagay. Maniwala ka na kung para sa ‘yo—at kung oras mo—mangyayari ang mga kagustuhan mo.

“Hinga.
Kahit hindi mo pa alam kung ano ba talaga ang layunin mo sa mundong ginagalawan. Hindi nakabababa ng pagkatao ‘yan.
Malalaman mo rin ang sagot sa takdang oras.

“Hinga.
Kung ang alon ay masyadong malakas at mahirap hulaan, ‘wag sabayan. Kumalma at subukan mong sayawan ito.

“Hinga.
Maging mabait sa iyong mga nakakasalamuha, maging tao man, hayop o kalikasan. Dahil ang pagtrato mo sa mga ito ay ang pagtrato mo sa sarili mo.

“Hinga.
Maging mabait sa iyong sarili.
Sa dami ng iyong karanasan ay alam mo nang walang ibang kakampi sa ‘yo at walang makikiramay sa pinakamasakit na pagluha kundi ang sarili mo. Ibigay mo ‘yan sa kanya dahil kahit minsan, hindi ka niya tinalikuran.”

Sey pa ni Nadine, nawa’y isaisip st palaging tandaan ang kanyang bilin at kung sakaling makalimutan niya ang mga ito, muli niyang tignan ang sarili sa salamin ay muling alalahanin na mahalin ang sarili at huminga sa bawat ingay at gulo ng mundo.

Related Chika:
Angel sa bashers: Totoo naman, mataba talaga ako, pero di naman masusukat nu’n kung sino ako

Nadine Lustre hindi na bet makipag-loveteam: I’m already past that

Relasyong Nadine Lustre-Christophe Bariou Instagram official na, sweet photos pinusuan ng netizens

Read more...