Noynoy hindi mag-pupuwesto ng kamag-anak; Pangit na pag-uugali ang ipinakita ni Herbert Bautista; atbp.

Target ni Tulfo by Mon Tulfo

KAHANGA-hanga ang sinabi ni Sen. Noynoy Aquino, winning presidential candidate, na wala siyang iaapoint na kamag-anak niya sa kanyang incoming administration. Mabuti’t nalaman niya ang pagkakamali ng kanyang ina na si Pangulong Cory.

Kahit na malinis at tapat sa tungkulin si Tita Cory, ang kanyang mga kamag-anak na kanyang inapoint sa mga sensitive government positions at bilang advisers ay umabuso. Isa sa mga kamag-anakan ni Pangulong Cory ang palaging sinusulatan ang isang Tsinong bilyonaryo at kinikikilan ito ng milyon-milyong piso.

Walang nilalaman ng sulat kundi ang perang hinihingi lang.

Ganito raw ang sulat:

“Dear_______,

P5,000,000.00.”

Isa pang kamag-anak ni Tita Cory ang palaging nagyayaya sa nasabing Tsinoy na bilyonaryo sa lunch o dinner at pinagbibigyan naman ito. Sa kalagitnaan ng tanghalian o hapunan, biglang hihingan ng miyembro ng “Kamag-anak Inc.” ang pobreng Tsinoy ng milyon-milyong piso para daw maayos ang kanyang kaso sa Presidential Commission on Good Government o PCGG. Siyempre, sa takot ng Tsinoy ay ibibigay ang gusto ng kamag-anak ni Tita Cory. Hindi naman daw naayos ang mga kaso ng Tsinoy sa PCGG, naging gatasan lang daw ito. Ang pobreng si Tita Cory ay walang kaalam-alam sa mga ginagawa ng kanyang mga walanghiyang kamag-anak.

Kaya’t Pangulong Noynoy, napakagaling ng iyong desisyon na hindi mag-aapoint ng masisiba mong kamag-anak sa iyong parating na administrasyon.

* * *

Siyempre, dapat ay may exceptions.

Tama lang ang balak ni Senator Noynoy na iapoint ang kanyang pinsang si Gibo Teodoro, isa sa mga tinalo niya sa pagka-Pangulo, sa kanyang Gabinete. Mautak, malinis at tapat sa tungkulin si Gibo bilang defense secretary sa administrasyon ni Gloria. Hindi rin ipagkakait sa kanya ng taumbayan ang pag-apoint niya sa kanyang mga kapatid na babae bilang unofficial advisers niya. Walang pang-aabusong ginawa ang mga kapatid ni Noynoy, at maging si Noynoy din, noong kapanahunan ni Pangulong Cory.

* * *

Dapat ay pasalamatan ni Makati Mayor Jojo Binay ang mga taong nagpakalat ng tsismis na siya’y may kalaguyo, at mga retrato niya at ng kanyang girlfriend.

Isa sa mga nagpanalo kay Binay ay ang kanyang pag-amin sa publiko na siya’y naging taksil sa kanyang asawa. Dahil sa kanyang public confession, milyon-milyong boto ang napunta sa kanya.

Karamihan siguro ng mga kalalakihan na bumoto sa kanya ay sumigaw ng “Idol!” Sa mga Pinoy, macho ang lalaking may asawa na, may girlfriend o girlfriends pa. Humahanga ang mga Pinoy sa macho.

Kaya’t, Jojo, isa ako sa sumisigaw ng “Idol, mabuhay ka!”

* * *

Pangit na pag-uugali ang ginawa ng bagong proklamang mayor ng Quezon City na si Vice Mayor Herbert “Bistek” Bautista. Nagalit si Bautista at nagmura nang maantala ang pagproklama sa kanya bilang nanalong kandidato pagka-alkalde. Teka, bakit ka naman apurado, Bistek? Bakit di ka makapaghintay samantalang sigurado na nanalo ka? Baka apurado kang yumaman, hijo.

Matatandaan na hindi sinagot ni Herbert ang bintang sa kanya na winaldas niya ang budget bilang vice mayor nang idineklara niya na milyon-milyon ang ginastos araw-araw sa mga pagkain. Milyon-milyon araw-araw para gastos sa pagkain?

Sino naman ang pinalamon araw-araw ni Bistek doon sa kanyang milyon-milyong budget para sa pagkain?

* * *

Si Pampanga Gov. Ed Panlilio ay isang sore loser o hindi isport na matalo. Tinambakan si Panlilio, isang dating pari na lumabas upang maging politiko, ng mga boto sa Pampanga gubernatorial race. Sabi ni Panlilio na yung mga bumoto kay Pineda ay nabili at yung mga bumoto sa kanya ay walang inasahang kapalit. Parang hindi pari o dating pari kung magbitiw ng salita itong si Panlilio.

* * *

Ipinakita ni Lilia “Baby” Pineda, ang tumalo kay Panlilio, na ang kanyang pagkapanalo sa 2007 local election ay tsamba lang. In fact, idineklara ng Commission on Elections (Comelec) na ang tunay na winner noong 2007 sa pagka-gobernador sa Pampanga ay si Baby Pineda.

Pero hindi na nagpilit si Pineda na kunin ang puwesto kay Panlilio dahil ilang buwan na lang at matatapos na ang termino ng pari.

Bandera, Philippine news, 051310

Read more...