Bandera Editorial
HANGGA’t may pag-asang manalo, tatakbo sa halalan ang politiko. Palalakihin ang pag-asang ito, baka nga naman manalo. “Baka nga naman…” Siyempre, kailangan may pera. Kahit “konti,” basta milyones (walang halaga na ngayon ang P50 milyon, kaya’t kulang pa ito). Pero, malaki ang leksyon na iniwan ng nakalipas na eleksyon sa mayayamang talunan. Ang sinumang sasabak sa ganito kalawak na eleksyon ay, naturalmente, alam ang mga nangyari sa nagdaang mga eleksyon. Alam nila na kailangang piliin nang husto ang pagkakatiwalaan sa pera (higit sa lahat). Alam nila ang pagkakatiwalaan ng pangangalap ng lider sa “ibaba,” at lalagakan ng tiwala para matiyak na ang kanyang nais na mahalal ay malalaman at aalalahanin ng mga nasa ibaba. At siya na nga ang iboboto ng ibaba.
Siyempre, kukuha ang kandidato ng magagaling na tagapayo at sanay sa “organizational reach.” Kaya naman, mas maraming organisasyon na umiindorso at sumusuporta, malaki ang tsansang manalo.
Pero, bakit ang mga iyan (ilan lamang ang pinili natin para sa madaliang diskusyon) ay tila palpak? O mali?
Kasi natalo ang kandidato sa kabila ng milyones na kanyang ginasta para siya’y makilala at alalahanin ng mga nasa ibaba. Hindi siya ang ibinoto
ng nasa ibaba, kundi ang kanyang kalaban. Hindi rin ibinoto ang kandidato ng napakaraming organisasyon na umindorso at sumuporta sa
kanya. Ang ibinoto ay ang kanyang kalaban (tanging halimbawa: Jose de Venecia Jr. Sa dinami-dami at lawak ng organizational reach, si Joseph Estrada ang ibinoto ng nasa ibaba; Jose de Venecia III, sa
dinami-dami at lawak ng organizational reach, kinapos pa rin).
Luhaan ang isang talunan nang humarap sa media. May dahilan siya’t katuwiran para hugasan ng luha ang masakit na kabiguan. Hinudas siya’t
pinagtaksilan ng lubos niyang mga pinagkatiwalaan (bakit nga naman ganoon? Kung sino pa ang pinagkatiwalaan ng kinabukasan ay siya pang magdadala
sa kabiguan).
Talagang ganyan ang leksyon ng eleksyon. Sa hindi natuto sa unang bukol, may ikalawang bukol pa.
Bandera, Philippine Election News, 051210