SA huling campaign rally ng UniTeam na ginanap sa Block 7 na nasa harapan ng Solaire sa Parañaque City nitong Sabado nang gabi ay hindi maiiwasang maraming kalat na maiiwanan.
Lagi namang ganito kahit na sinong grupo ang may sorties ay tiyak na maraming basura ang iiwanan na lang nang basta kaya nga laging nababalita sa social media o pahayagan ang mga street sweepers o metro aid na pagod na pagod sa kalilinis.
At aware ang aktor na kumakandidatong senador na si Robin Padilla dito kaya naman pagkatapos ng huling hirit ng UniTeam sa Parañaque ay nagpaiwan siya para maglinis.
Nakita namin ang post ng asawa ng aktor na si Mariel Rodriguez sa Instagram na madaling araw ng Linggo ay dinadampot ni Robin ang mga kalat na naiwan ng mga dumalo sa rally.
Ang caption ni Mariel dito ay, “Grabe si Robin. Last night he was telling after the meeting de avance na maglilinis daw siya. I thought ano kaya ‘yun, parang mag-meet with the staff, pasalamat, ganu’n.
“‘Yun pala, literal na naglinis siya ng mga garbage sa grounds! Graaaaaaaabe 4 AM na siya natapos!
“Maraming salamat sa lahat ng volunteers para maglinis sa Solaire ground!” sabi pa ni Mariel.
Sa mga nakakakilala kay Robin ay alam nilang hindi ito pakitang tao ng aktor dahil sadya itong tumutulong o kusang ginagawa kung ano ang tama.
At marahil sa ilang araw nitong pangangampanya ay nakilala nang husto kung sino at ano ang pangako ni Robin sa bayan na hindi man siya nakatapos ng pag-aaral ay inaral niya kung ano ang dapat malaman ng isang tulad niyang bagito sa politika.
Walang TV ads si Robin dahil wala siyang budget para rito at ito ang una nilang inamin ng asawang si Mariel, na manggagaling sa kita ng karneng ibinebenta ng huli ang pambili ng t-shirts at tarpaulin na ipamimigay nila.
Pati nga personal na gamit ay inila- live selling na rin ni Mariel para madagdagan ang pambili ng campaign materials ng asawa.
Nasa huli ang numero noon ni Robin pero unti-unting umakyat hanggang sa nag-number 3 ito sa Pusle Asia survey kamakailan at malaking tulong ito nang lumabas siya sa YouTube channel nina Boy Abunda, Aiko Melendez at Toni Gonzaga para maikuwento niya ang mga plano niya sa pagpasok sa politika.
At siyempre malaking bagay na napasama siya sa UniTeam nina Bongbong Marcos, Jr. at Sara Duterte-Carpio na kumakandidatong presidente at bise presidente ng Pilipinas dahil kasama siya sa lahat ng campaign rally.
Naging word of mouth ang pangalan ng aktor at ngayong araw ay mababasa na maraming bumoto kay Robin at nagpapasalamat naman si Mariel.
Pero hindi pa tapos ang bilangan kaya hintayin na lang natin kung ano ang magiging hatol ng bayan.
https://bandera.inquirer.net/305095/kita-ni-mariel-sa-cooking-ina-meat-business-ginagastos-sa-kampanya-ni-robin
https://bandera.inquirer.net/308978/andrew-e-sa-mga-um-attend-ng-uniteam-rally-sa-cavite-totoo-ang-tao-dito-walang-photoshop
https://bandera.inquirer.net/292051/kim-walang-nagawang-sablay-para-tsugihin-sa-showtime-andrea-nagpaka-drag-queen