KUNG may isang life lesson na natutunan ang mga bida at kontrabida sa Kapamilya drama series na “Viral Scandal” yan ay ang “unconditional love” ng pamilya.
Napatunayan daw nila na pinakamahalaga pa rin ang pagmamahal at suporta ng mga kapamilya lalo na sa kapag humaharap na sa mga problema o pagsubok.
Sa “Viral Scandal”, naka-focus ang tema ng kuwento sa mga biktima ng cybercrime kung saan napakaraming manonood ang nakaka-relate lalo na sa lead star ng serye na si Charlie Dizon.
Sa virtual finale mediacon ng “Viral Scandal” nasabi ni Charlie na napakaswerte ng character niyang si Rica Sicat dahil sa kabila ng pagiging biktima ng matinding iskandalo ay nanatili ang suporta sa kanya ng pamilya.
“Dahil sa pamilya Sicat, ipinakita po sa story na grabe ‘yung support system na ipinakita nila kay Rica. Kahit anong mangyari, nagkagulo rin ‘yung pamilya namin, kami-kami pa rin ‘yung magkakasama in the end,” pahayag ng award-winning Kapamilya actress.
“‘Yun ‘yung masasabi ko na in every victim, lagi pong apektado ‘yung buong environment ng victim. And du’n ka lang din talaga makakakuha ng matinding support system. ‘Yung kahit anong mangyari, sila’t sila pa rin ang babalikan mo,” aniya pa.
Para naman kay Dimples Romana na gumaganap na nanay ni Charlie sa serye, dito mas tumindi pa ang paniniwala niya sa unconditional love na kayang ibigay ng isang ina para sa kanyang mga anak sa kabila ng mga kasalanan at pagkakamaling nagawa ng mga ito.
“Ang pamilya basta may pinagdaanan ‘yan kahit hindi sila perpekto, bawat isa sa kanila kakapitan ang isa’t isa. They make each other perfect,” ani Dimples.
Sey naman ng dating “Pinoy Big Brother” housemate na si Karina Bautista na gumaganap na kapatid ni Charlie sa “Viral Scandal”, hindi dapat pinipilit ang mga biktima ng anumang uri ng cybercrime na lumaban para sa hustisya.
Kailangan daw talaga itong manggaling sa mga biktima, “Responsibility nating na i-assess ang bawat isa sa family and tingnan kung handa na ba sila. Lalo na kung victim siya, talagang dapat sa kanya manggaling kasi una sa lahat, mas sa kanya ang laban na iyon.”
Isa pa sa gumaganap na kapatid ni Charlie sa programa ay ang teen actor na si Louise Abuel at may paalala naman siya sa lahat ng kabataan tungkol sa tamang paggamit ng social media.
“Isa itong lesson na ipinapakita natin sa lahat, na hindi lahat ng nasa social media ay totoo at tama. Kailangang tumingin tayo sa reliable source bago tayo maniwala,” paliwanag ng bagets.
At para naman sa character actor na si Miko Raval, ang tatay ni Charlie sa serye, kahit ano raw ang mangyari kailangang ang mga magulang ang unang maging tagapagtanggol ng anak.
“Good or bad, you have to be there. You have to support them. Lahat ng external factors mawawala ‘yan kapag kinover ka na ng family mo. They always have your back,” pahayag ng aktor.
Tutukan ang huling linggo ng “Viral Scandal” sa iba’t ibang platforms ng ABS-CBN. Kasama rin dito sina Jake Cuenca, Joshua Garcia, Maxene Magalona, Kaila Estrada at marami pang iba.
https://bandera.inquirer.net/297979/dimples-todo-puri-kay-charlie-pakiramdam-ko-mas-marami-akong-natututunan-sa-kanya
https://bandera.inquirer.net/297979/dimples-todo-puri-kay-charlie-pakiramdam-ko-mas-marami-akong-natututunan-sa-kanya
https://bandera.inquirer.net/287408/young-actor-ubod-pa-rin-ng-yabang-kahit-minalas-at-nawalan-ng-raket-dahil-sa-video-scandal