BINIGYANG-PUGAY ng ABS-CBN Film Restoration ang nag-iisang Diamond Star na si Maricel Soriano, sa panibagong edisyon ng “Sagip Pelikula Spotlight.”
Tampok dito ang premiere ng digitally restored ng kanyang award-winning movie na “Ama, Ina, Anak” sa KTX.ph na nagsimula na last April 26 (Martes).
Mapapanood din ang ilan pa sa mga restored classics ni Maria, kabilang na ang “T2,” “Kung Kaya Mo, Kaya Ko Rin,” “Mila,” “Separada,” “A Love Story,” na may bonus pang one-on-one interview sa Diamond Star.
Patuloy ang “Sagip Pelikula Spotlight” sa pagpupugay sa mga natatanging indibidwal sa pelikulang Pilipino, tampok ang pagpapalabas ng restored na mga obra nila.
Sa isang interview kasama ang ABS-CBN Film Restoration head na si Leo Katigbak, todo ang pagpapasalamat si Maria sa ABS-CBN sa layunin nitong pahalagahan ang mga klasik na pelikulang Pilipino, at sa mga fans na patuloy na sumusuporta sa kanyang karera sa showbiz.
Sinabi rin ni Maricel na kahit pinag-iisipan na niya ang pagreretiro sa industriyang kinalakihan niya, hindi pa rin niya ito kayang talikuran at handa siyang tumanggap ng ilan pang proyekto sa hinaharap.
“Magre-retire? Oo, bakit hindi? Pero kapag may gusto akong gawin, gagawin ko ang pelikula.
“Hindi pwedeng mawala iyon eh, ‘yun lang alam kong gawin sa buhay ko at ‘yun ang love ko. ‘Yun ang bumuhay sa akin, sa pamilya ko, sa mga anak ko. Hindi ko siya pwedeng talikuran,” pahayag ng Diamond Star.
Sisimulan ang bagong edisyon ng “Sagip Pelikula Spotlight” sa pagpapalabas ng 1996 family drama hit ng Star Cinema na “Ama, Ina, Anak” na pinagbidahan ni Maricel kasama sina Edu Manzano at Angelica Panganiban.
Sa panulat at direksyon ni Jose Javier Reyes, tampok sa pelikula ang kwento ng mag-asawang sina Marilen (Maricel) at Santi (Edu). Parehas silang hindi pinalad magkaroon ng anak hanggang sa napagdesisyunan nilang ampunin ang kanilang unica hija na si Isabel (Angelica).
Sa kabila ng mga dagok sa kanyang pagbubuntis, naisilang din ni Marilen ang isa pa nilang anak. Ngunit, muntik na mawala sa kanilang piling ang bata dahil kay Isabel, na siyang ikinagalit nang husto ni Santi at ibinaling ang pananakit sa kanya.
Kasama rin sa pelikula sina Rico Yan, Jolina Magdangal, Stefano Mori, Cherry Pie Picache, Teresa Loyzaga, Jackie Lou Blanco, Ogie Diaz, Nonie Buencamino, Subas Herrero, Lulu Arieta, Olga Natividad, Angie Castrence, Mon Confiado, at Boots Anson-Roa.
https://bandera.inquirer.net/286355/maricel-pinatunayang-hindi-umaasa-si-meryll-sa-kayamanan-ni-willie
https://bandera.inquirer.net/293171/maricel-umaming-napariwara-ang-buhay-masalimuot-madilim-at-mag-isa-ka-lang
https://bandera.inquirer.net/279503/sharon-sinumbong-si-maricel-sa-madlang-pipol-game-pa-rin-sa-reunion-movie-nila-ni-gabby