MARAMING nagulat sa ginawang announcement ng Kapuso couple na sina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo patungkol sa mga kandidatong susuportahan nila sa May 9 elections.
Kasunod nga ng pagpapakilala nila sa bagong silang nilang anak sa publiko na si Baby D, lantaran na ring ibinandera ng mag-asawa kung sino ang iboboto nilang presidente at bise presidente.
Ngayong araw, sa pamamagitan ng Instagram diretsahan nang inendorso nina Dennis at Jennylyn ang kandidatura ni Vice President Leni Robredo at ng running mate nitong si Sen. Kiko Pangilinan.
Ayon sa mag-asawa, ang responsibidad nila bilang mga botante ay kasinghalaga rin ng kinabukasan ng kanilang mga anak kaya naman kahit alam nilang marami ang masa-shock at kukuwestiyon sa kanilang desisyon, kailangan silang manindigan para na rin sa bayan.
“Hindi rin maaari na hindi ako manindigan lalong lalo na ngayon na may bago akong silang na anak. Kinabukasan niya ang nakasalalay dito e,” ang simulang pahayag ng Kapuso Ultimate Star sa IG photo nila ni Dennis kasama ang bagong panganak nilang baby.
Pagpapatuloy pa ng aktres, “Sinuman ang mananalong mga opisyal ng gobyerno ay may mahalagang papel na gagampanan sa buhay ng anak namin sa loob ng anim na taon na sila ay manunungkulan sa pwesto.
“Anumang magagawa nila sa anim na taon na iyon ay magbibigay daan sa kung ano ang mundong kanyang kakagisnan oras na siya ay nagdalaga na at mag-isa ng hinaharap ang mundo,” diin pa ni Jen.
Inisa-isa rin niya ang mga katangian na hinahanap niya sa isang leader, “May maayos kaya silang plataporma para sa edukasyon? May magsusulong kaya ng batas para mas maprotektahan ang kanyang karapatan bilang bata?
“May maayos ba silang programa sa kalusugan? Maging maayos kaya ang palakad nila sapat para maging ligtas ang kapaligiran?
“Kung maaari lang gawing perfect ang mundo para sa anak natin, gagawin natin di ba? ‘Lam nyo yan mga mommies at even daddies. Pero, reality is, we can only do so much as parents.
“Kung ako tatanungin, gusto ko mabuhay ang anak namin sa lipunang malaya, ligtas, at puno ng pagmamahal. Gusto ko maranasan niya ang buhay na maginhawa, tapat, at may dangal.
“Gusto ko manirahan siya sa bansang umiiral ang katarungan, iginagalang ang karapatan ng bawat tao, at pinapangalagaan ang kalikasan pati na ang mga hayop. Gusto ko lumaki ang anak ko na ang future bessies niya sa LGBTQIA+ community ay malayang nagmamahal at tumatamasa ng pantay na karapatan sa mata ng batas.
“At higit sa lahat, gusto ko mamuhay siya na walang takot at pangamba dahil nirerespeto siya bilang isang babae. Iginagalang, kinikilala ang kakayahan, hindi nililimitahan, at hindi binabastos,” sabi pa ng aktres.
Inilarawan din niya si VP Leni bilang isang ultimate survivor tulad din ng pagkapanalo niya noon sa StarStruck, “Ultimate survivor siya bilang single mom na mag-isang nagpalaki ng kanyang tatlong mahuhusay ding mga anak. Ultimate survivor din siya sa paglilingkod at nakapagpatupad pa rin ng mga programa para tulungan ang sambayanan sa kabila ng kakulangan sa budget ng kanyang tanggapan.
“At siyempre, ultimate survivor siya sa labang ito para sa pagkapangulo dahil naniniwala ako that she is the best choice for the job,” aniya pa.
“Tara na bessies, sama sama nating ipanalo ang halalang ito para sa lahat ng Pilipino. Let’s go out, vote,” hirit pa ni Jennylyn.
https://bandera.inquirer.net/300286/jennylyn-iniwan-agad-ni-dennis-1-araw-pagkatapos-magpakasal-siyempre-nakakalungkot
https://bandera.inquirer.net/296859/jennylyn-bibida-pa-rin-sa-love-die-repeat-balik-taping-pagkatapos-ang-panganganak
https://bandera.inquirer.net/311200/fake-and-flabby-abs-ni-maine-nagpasabog-ng-good-vibes-sa-socmed-jennylyn-dennis-super-atat-nang-makita-ang-anak