SA kabila ng matitinding pagsubok na hinaharap sa kanyang personal na buhay, nananatiling matatag ang Kapuso singer-actress na si Mirriam Manalo.
Kaya naman marami ang humahanga sa kanyang katapangan, katatagan at pati na sa napakalakas na pananampalataya niya sa Diyos.
Ibinahagi ng “The Clash Season 1” graduate sa kanyang social media followers na nakalagak na ang labi ng yumao niyang anak na si Lilah Emilia sa St. Louie Memorial Chapel sa Mabalacat, Pampanga.
Isinilang ni Mirriam si Lilah Emilia noong Dec. 7, 2020 kaya naman talagang sandali lamang ang ibinigay sa kanilang pagkakataon para magsama.
Ito na ang ikalawang beses na namatayan si Mirriam ng anak dahil sa mga komplikasyon sa genetic disorder na spinal muscular atrophy.
Ito’y isang neuromuscular disease na nagdudulot ng panghihina ng skeletal muscles.
Matatandaang ito rin ang naging sanhi ng pagkamatay ng panganay niyang si Layla Elleina noong October, 2019. Eight months pa lang si Layla nang ito’y pumanaw.
Nag-post ang Kapuso singer sa kanyang Facebook account kamakalawa tungkol sa burol at naka-schedule nang ilibing si Baby Lilah bukas, April 29, sa Eternal Peace Memorial Park Mawaque.
Sa kanyang FB post, nabanggit ni Mirriam na kahit na kinuha agad sa kanya ang dalawang anak, naniniwala siyang may dahilan ang Diyos kung bakit nangyari ito.
“The hurdles of life are unstoppable; beyond of our comprehension, at times. Still, I’m uncertain which pain is worse — the shock of what happened or the ache of what never will.
“Nevertheless, God has always a purpose, we may never understand now but it will become clearer in the end,” ang mensahe ng singer.
“Para ka nang nasa Hardin anak. anghel na anghel ka na talaga! Playing with ate Layla,” pagbabahagi pa ni Mirriam sa isa pa niyang post kung saan ipinakita niya ang kabaong ni Baby Lilah Emilia na napalilibutan ng iba’t ibang klase mg mga bulaklak.
Kung matatandaan, humingi pa ng tulong pinansiyal si Mirriam sa kanyang mga socmed followers noong nakikipaglaban si Baby Lilah sa kanyang sakit para matustusan ang pagpapagamot nito.
https://bandera.inquirer.net/308756/the-clash-finalist-miriam-manalo-nakiusap-para-sa-anak-na-may-sma-kahit-konting-donation-lang-po-for-baby-emilia
https://bandera.inquirer.net/306943/enzo-kay-michelle-salamat-dahil-binigyan-mo-ako-ng-pagkakataong-magmahal-ng-isang-anghel
https://bandera.inquirer.net/285081/barbie-tiwalang-hindi-magloloko-si-jak-yung-security-namin-sa-isat-isa-talagang-matatag